EBANGHELYO: Lk 11:5-13
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo s’ya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo upang bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man s’ya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin s’ya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa iyong pagpupumilit sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihiling nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa Langit? Tiyak na ibibigay n’ya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Rev. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Nakaschedulelang ba ang pagtulong mo sa kapwa? O pinipili mo lang ba ang taong tinutulungan mo? Paano kung hindi mo kilala o kaaway mo ang humingi sayo ng tulong? Tutulungan mo pa rin ba siya?// Ngayong araw na ito, ipinapaalala sa atin ng ebanghelyo na walang pinipili ang Diyos sa kanyang pagtulong sa tao. Walang pinipiling oras ang pagtulong ng Diyos sa taong lubos na nangangailangan. Pero sa kabilang banda, marunong ding pumili ang Diyos. Marunong kumilala ang Diyos at nagbibigay siya sa tamang panahon sa isang taong may pagpupursigi sa kanyang pananampalataya.// Ngayong panahon ng pandemya, napakarami ang naghihirap dahil sa kawalan ng trabaho. Mas dumoble rin ang mga nagugutom at namamatay dahil sa sakit. Kung kaya’t napakarami ang patuloy na kumakatok sa puso ng bawat ng isa sa atin at humihingi ng tulong. Kapatid, kung ang kanilang pagkatok at paghingi ng tulong ay hindi na gumagambala sa ating puso, siguradong hindi ang Diyos ang ating kinikilala at sinasamba. Kung hindi natin magawang tumayo at umaksyon para tulungan ang ating mga kapatid na nangangailangan, siguradong mababaw ang ating pagdarasal sa Diyos. Palagi nating tandaang ang ang taong nagdarasal ng tunay sa Diyos ay may malalim na pagmamahal sa kanyang kapwa maging sino man siya at kahit anumang oras.