EBANGHELYO: Lk 11:15-26
Nang nakapagpalayas si Jesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao: “Pinalalayas n’ya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi n’ya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung may sandatang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Ngunit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin s’ya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Bilang buhay na karunungan, nilusaw ni Jesus ang maling impression sa kanya, na panig daw Siya ni Satanas. Ipinaalala Niya sa kanila na nagpapalayas Siya ng demonyo mula sa daliri ng Diyos. Malalim ang kahulugan ng mga salitang “daliri ng Diyos”. Di ba sa pagbigay ng Diyos kay Moises ng Sampung Utos, isinulat Niya ito mula sa daliri Niya? Sa salot na naganap sa Ehipto, sinabi ng magician sa Paraon, “Ito ang daliri ng Diyos!” Kaya sa pagbigkas ni Jesus ng pagtawag niya ng demonyo “mula sa daliri ng Panginoon”, gamit Niya ang dakila at hindi masukat na kapangyarihan ng Diyos. Kapatid, bilang kawangis at kalarawan ng Diyos, magagamit din natin ang ating sariling daliri sa kabutihan at sa pagpapalayas ng masasama. Sa paggamit natin ng ating mga daliri sa mga computer at cellphone keyboards, mag-send tayo ng good news. Sa ating hintuturo, ginagamit natin ito sa pagtuturo ng tamang landas, ng tamang leksyon, ng tamang pamumuhay. Huwag lang tayo manduro kapag naghuhusga, kapag nanlalait, kapag galit. Tandaan, ang daliri natin, tulad ng kay Jesus ay nakakalikha, nakakapagpagaling, nakakahupa, at nakapapapatawad.
PANALANGIN:
O Tagapagturo naming Jesus, hawakan mo ang aming mga daliri at pabanalin. O Maria, mula sa iyong dalisay na mga daliri, kumakapit kami. Amen.