EBANGHELYO: Mt 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga Talinhaga: “Tungkol sa nagyayari sa kaharian ng Langit ang kwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong upang sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay. Lubhang nagalit ang hari kaya’t ipinadala niya ang kanyang hukbo upang puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’ Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag. Pagkatapos ay dumating ang hari upang tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampeyesta. Kaya’t sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, papaano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: ‘Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’ Marami ngang talaga ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Rev. Oliver Occena Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga Mangyan, Aeta, Igorot, Ifugao, Tausug, T-boli, Tinguian, Ibaloy at iba pa. Kilala mo ba sila? Sila ang mga tinatawag nating mga Indigenous people o mga katutubo dito sa Pilipinas. Ibig sabihin, sila ang mga naunang grupo ng mga tao na nanirahan na noon pa man dito sa Pilipinas.// Marahil hindi na lingid sa inyong kaalaman na ang mga katutubo nating mga kapatid ay dumaranas ngayon ng iba’t ibang klase ng pagmamalupit.// Ang kaharian ng Diyos ay ang walang hanggang pagtamasa ng pagmamahal, kapayapaan, at hustisya. Sa kaharian ng Diyos, hindi lamang ang mayayaman, ang mga araw-araw o tuwing Linggo na nagsisimba ang kanyang iniimbita na makapasok, pero lalo’t higit ang mga taong pinagkaitan ng pagmamahal at hustisya—mga bagay na ipinagkakait natin sa ating mga kapatid na katutubo (sa tuwing pinalalayas natin sila sa kanilang lupang kinamulatan, sa tuwing sinisira natin ang mga bagay na kanilang pinaghirapan; sa tuwing inaagawan natin sila ng lupa upang gawing minahan; sa tuwing pinagbibintangan natin silang mga kaaway ng ating lipunan; sa tuwing pinagkakaitan natin sila ng kanilang mga karapatang pantao; sa tuwing hinuhubaran natin sila ng dignidad, at hindi nirerespeto.//) Mga kapatid, madaling sabihing tumutugon tayo sa pagmamahal na ibinibigay sa atin ng Diyos. (Pwede natin sabihing “nagsisimba ako araw-araw;” “tumatanggap ako ng komunyon araw-araw;” “nagrorosaryo ako araw-araw” at tinutupad natin ang iba pang gawain ng simbahan. Subalit, hindi lamang tuwing ginagawa natin ang mga ito nagiging konkreto ang kaharian ng Diyos.//) Pero, ang tunay na matimbang ay kung hanggang saan ang kaya nating gawin upang matulungan ang iba, ma-protektahan ang karapatan ng iba, at maitaguyod ang hustisya at kapayapaan sa ating bahay at lipunan. May magagawa tayong pagtugon sa hamon na ito.
PANALANGIN:
Panginoon, tulutan mong maisabuhay ko ang iyong Kaharian dito sa lupa. Amen.