EBANGHELYO: Lk 11:37-41
Matapos magsalita si Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali n’yong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan subalit nag-uumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob. Mga hangal! Hindi ba’t ang may gawa ng labas ang siya ring may gawa ng loob? Ngunit naglilimos lamang kayo at sa akala n’yo’y malinis na ang lahat.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Rev. Sebastian Gadia III ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sino sa palagay nyo ang mas mahal ng Diyos, ang taong mas madalas sa loob ng simbahan at nagdadasal? o yung taong nalulong sa iba’t-ibang uri ng bisyo, kagaya ng illegal na droga, alak o kaya sugal? Tiyak marami sa atin ang sasagot, na mas mahal ng Diyos ang taong malimit na nasa loob ng simbahan at madasalin, kumpara sa mga taong nalulong sa iba’t ibang uri ng bisyo.// Kung isa man tayo sa sumagot ng ganito, nagkakamali tayo sa paghuhusga. Sa katunayan, pantay pantay ang pagmamahal sa atin ng Diyos. Tayo lang mismo ang gumagawa ng pamantayan ng pagmamahal ng Diyos para sa atin. Malinaw ang sinasabi sa ating ebanghelyo ngayon, na tayong mga tao ay mahilig manghusga ayon sa panlabas na kaanyuan, pero ang Diyos ay hindi tinitingnan ang ating panlabas na kaanyuan. Tinitingnan ng Diyos ang ating kalooban. Ito ang pananaw na nais itama ng Panginoong Hesus sa atin sa araw na ito. Sa panahon ng ating Panginoong Hesus, hindi kailanman maituturing na kabanalan ang paglapit o ang paghawak sa mga taong may sakit o makasalanan. Bagay na madalas makita ng mga Pariseo na ginagawa ng Panginoon – nagpapagaling ng mga maysakit at nakikisalamuha sa mga itinuturing na makasalanan ng mundo. Kaya naman sa kanilang pananaw, nahawa na rin si Hesus sa kanilang kasalanan. Para sa kaalaman ng mga Pariseo, sa tuwing nagpapagaling at umaakay ng mga makasalanan ang ating Panginoong Hesus, sila mismo ang pinapabanal niya.
PANALANGIN:
Panginoon, turuan mo po ang aming mga puso’t isipan na huwag maging mapaghusga sa aming kapwa. Tulungan mo kaming maging banal, upang sa pamamagitan ng aming pamumuhay, madama ng aming kapwa si Hesus. At sa pamamagitan nito maging banal rin sila. Amen