Daughters of Saint Paul

OCTOBER 14, 2020 – MIYERKULES SA IKA-28 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 11:42-46

Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayo mga Pariseo! Gusto ninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabigat na pasanin, at hindi man lang ninyo hinihipo ang pasanin ng kahit isang daliri.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Divinia de Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Bakit nga ba galit si Hesus sa mga Pariseo? Sino ba ang mga Pariseo? Sila ang mga marurunong sa batas at kilala sila, sa mahigpit at literal na pagpapatupad ng batas. Kung ating susuriin, bawa’t isa sa atin ay may angkin ding ugali ng isang Pariseo. Sa tuwing tayo’y nagkukunwari, nagmamayabang, ipinipilit na tayo lamang ang tama, nanghuhusga sa kapwa, nagpapabaya sa kapakanan ng iba, at laging nais mabigyang-pansin ng lahat – parang Pariseo na rin tayong maituturing.  Pero, ito ang magandang balita: dahil tinubos na tayo ni Kristo, binibigyan Niya tayo ng biyaya na magbagong-buhay at tunay na makilala ang ating sarili.//  Naalala ko nuong minsang nagpunta ako sa doctor, may nakasabay akong isang mukhang pari, na naghihintay at nakatayo, sa isang tabi. Nang mapansin kong may suot siyang Roman collar, binati ko siya: “Good afternoon, Father!” Nagkausap kami tungkol sa Bible apostolate sa mga parokya. Matapos ang ilang minuto, tinawag na siya ng medical secretary: “Bishop, kayo na po…” Namangha ako, at ang feeling ko nuon, parang napahiya ako. Bagama’t di ko siya nakilala kaagad, nakita ko sa kanya, ang isang mapagkumbabang pastol, na di naghahanap ng special treatment sa mga tao. Siya po si Bishop Ruperto Santos, ang Bishop ng Diocese of Balanga, na may akda ng maraming mga aklat.// (Marami po tayong mga kapatid, mga lider ng simbahan at ng bayan, na patuloy sa kanilang mapagkumbabang pagsisilbi sa kapwa, nang hindi ipinapamalita. Sila ang mga halimbawa ng maka-Kristyanong pamumuhay.) Kapatid, sa tulong ng grasya ng Diyos, makatugon nawa tayo sa hamong supilin ang pag-uugaling maka- Pariseo at sikaping tularan ang mapagkumbabang paglilingkod ni Kristo.  Amen.