Daughters of Saint Paul

OCTOBER 18, 2020 – IKA-29 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | Sunday for Cultures / World Mission Sunday

EBANGHELYO: Mt 22:15-21

Umurong ang mga Pariseo at nagpulong kung papaano nila huhulihin si Jesus sa sarili niyang salita. Kaya ipinadala nila ang kanilang mga alagad kasama ng mga kampi kay Herodes. Sinabi nila kay Jesus: “Guro, nalalaman namin na tapat kang tao at tunay na nagtuturo ng daan ng Diyos; hindi ka napadadala sa iba at nagsasalita hindi ayon sa kalagayan ng tao. Kaya ano ang palagay mo, ayon ba sa Batas na magbayad ng Buwis sa Cesar? Dapat ba tayong magbayad sa kanya o hindi?” Alam naman ni Jesus ang masama nilang pakay, at sinabi niya sa kanila: “Mga mapagkunwari! Bakit ninyo ako sinusubukan? Ipakita ninyo sa akin ang perang pambuwis.” Ipinakita nila ng isang denaryo, at sinabi sa kanila ni Jesus. “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?”  Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos.”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Rev. Oliver Occena Par ng Society of St. Paul. Naniniwala kang Diyos lamang ang tanging pwedeng maghusga sa atin, pero naniniwala ka sa death penalty. Naniniwala kang bigay ng Diyos ang iyong buhay, pero sinusuportahan mo ang “abortion.” Kristiyano ang tawag mo sa iyong sarili, pero bilib na bilib ka sa sistema at kultura ng pagpatay. Teka, tanungin mo nga ulit ang sarili mo.// Mga kapatid, bilang tunay na Kristiyano, hindi dapat tayo nagpapadala sa maling prinsipyo at sistema ng mundo, kung salungat ito sa turo ni Kristo. Hindi masama ang sumunod sa batas ng tao, hangga’t ito ay rumi-respeto at nagpuprotekta sa dignidad ng mga nilikha ng Diyos.// Ang tunay na maka-Kristiyanong batas ay yung nagdadala sa atin sa Kaharian ng Diyos. Tinutulungan tayong magmahal sa kapwa, magpahalaga sa buhay ng iba, at nagpapalaganap ng kultura ng kapayapaan. 

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo kaming maging instrumento ng iyong Kaharian sa lupa. Maging tagapagpalaganap nawa kami ng iyong kapayapaan at pagmamahal sa bawat gawain namin sa araw-araw. Amen.