EBANGHELYO: Lk 14:15-24
Sinabi kay Jesus ng isa sa mga inanyayahan: “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat.’ Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una. ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa. ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na.’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makapupunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang may sambayanan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na po ang ipinag-uutos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makakatikim ng aking handa.’”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kapag inanyayahan ka ng isang sikat at paborito mong artista o kaya naman ng Santo Papa na dumalo sa isang piging na inihanda niya, tatanggi ka ba? Ako, hindi! Hehehe! Pagkakataon ko na yon na makadaupang—palad at makapa-picture na kasama siya, di ba? Kung pinahahalagahan natin ang paanyaya ng isang kapareho nating tao na mahalaga sa atin, ang paanyaya pa kaya ng Panginoon? Pagkakaitan ba natin sya ng panahon? Hindi lang siya sikat! Diyos sya na nagpapakumbaba. He took our humanity to be with us, but how many of us ever realized this? Siya na ang lumalapit sa atin. Siya na ang nag-aalok ng kanyang sarili sa atin upang pakabusugin tayo at nang di na tayo magutom at mauhaw kailanman. Nagpakumbaba ang Anak ng Diyos upang iangat ang dignidad at katayuan ng tao. Kapatid, makita sana natin ang kagandahang-loob na ito ng Diyos upang mabigyan natin Siya ng kaukulang pagpapahalaga at pasasalamat. Amen.