EBANGHELYO: Lk 16:1-8
Sinasabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawain ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may –utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo, maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: ‘Walundaan.’ Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Enzo Muega ng Diocese ng San Pablo ang pagninilay sa Ebanghelyo. “Mamuhay tayo sa liwanag at manatiling kaibigan ng Krus ni Kristo.” Sa kwento ni Hesus, namangha ang mayaman sa pagiging tuso at maparaan ng kanyang katiwala. Napa-wow siya sa galing at pagiging “mautak” ng katiwala. Mga kapatid, malinaw na itinuturo sa atin ni Hesus na huwag gumawa ng masama o mandaya ng kapwa. Pero, ang kanyang paggamit ng talinhagang ito ay upang turuan ang kanyang mga disipulo na maging maparaan o “ma-diskarte” sa pagpapalago ng relasyon sa Diyos. Mga kapatid, hinahamon tayo ng Panginoon, na huwag hayaang mabahiran ng dilim ang ating pagiging mga anak ng liwanag. Bagamat “requirement” ni Hesus sa atin na buhatin ang ating mga krus, hindi natin dapat dayain ito, bagkus, gamitin ang ating talino at diskarte. “Mamuhay tayo sa liwanag at manatiling kaibigan ng Krus ni Kristo.” Amen.