EBANGHELYO: Lk 17:20-25
Tinanong si Jesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; di masasabing ‘Narito o naroroon,’ nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga pagpapakita ng Anak ng Tao at hindi naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng Langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Subalit kailangan muna niyang magtiis nang marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Bro. Enzo Muega ng Diocese ng San Pablo ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Mga kapatid, talamak sa social media ang term na “Izzza Prank!” Madalas itong marinig sa mga taong nagkaroon ng “maling akala.” Sa ating Mabuting Balita, para bang nagkakaroon ng maling akala ang mga Pariseo tungkol sa pagdating ng Kaharian ng Diyos. Alalahanin natin, na noong panahong iyon, ang inaasahan ng mga Judio ay ang pagdating ng Kaharian “in all of its grandeur and power” dahil sakop sila ng Roman Empire. Nais na ng mga Hudyo ang “political freedom!” Pero sa hulihang bahagi ng ating Mabuting Balita, ang itinuro ng ating Panginoon ay ang tanda na maghihirap muna ang Anak ng Tao. “Izzza Prank!” ‘ika nga. May mga pagkakataon talaga sa ating buhay na nakatuon ang ating pansin sa ibang bagay. Noong panahon ni Hesus, hindi nila napansin na ang mesiyas ng Diyos ay tahimik na kumikilos para dalhin tayo sa “spiritual freedom.” – Kalayaan mula sa pagka-alipin sa kasalanan. At hindi lahat ng Hudyo nakita ang aspetong ito. Nahirapan din ang mga pariseo na maunawaan ang tanda ni Hesus dahil para sa kanila, isang karpintero mula sa Nazareth si Hesus. Kumbaga, isang tao na hindi mo aasahan ang pagdating ng Kaharian. Mga kapatid, ang pagkilos ng Kaharian ng Diyos ay hindi natin inaaasahan sa mga “pasabog,” kundi sa “paglubog” ng ating pagkatao o pagpapakumbaba. Sa pagpapakumbaba ng Anak ng Tao, nakita ang pagkilos ng Kaharian at totoo ring atin itong inaaasahan pang darating sa hinaharap. Ang Kaharian ay tahimik pumasok sa atin, pero ito ay kumikilos na rin. Amen.