Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 23, 2020 – LUNES SA IKA-34 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 21:1-4

Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila subalit inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Cleric Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Dalawang uri ng pagbibigay ang inilalahad sa atin ni Hesus sa araw na ito, ang pagbibigay mula sa kung anong labis, at ang pagbibigay ng ganap. Marahil, mauunawaan ang ganitong pagbibigay sa halimbawa ng mga taong tumutulong sa iba ngayong panahon ng pandemic. May mga taong nagbibigay ng tulong, dahil kahit paano nakagiginhawa pa ng kaunti, oo may kaunting labis, pero, handa silang magbigay. Hindi   masamang magbigay mula sa kung anong labis, lalo na at may mga pangangailangan din ang nagbibigay. Ang binibigyang pansin ni Hesus ay ang nagbibigay ng higit pa sa labis, siya na nagbibigay ng higit sa mayroon, ng ganap. Kahanga-hanga ang ganitong pagbibigay. Sa pagbibigay ng ganap at higit sa inaasahan, may ilang katangiang mahalagang maalala.// Una, Generosity o pagiging bukas-palad. Ang mismong larawan ng palad na bukas at hindi nakatikom o nakasara ang unang paalala ng ganap na pagbibigay. Ikalawa, Inclusive, ang pagbibigay ng ganap, bukas sa lahat, tanggap ang lahat, hindi nagtatangi, hindi namimili. Ikatlo, Voluntary ang pagbibigay, mula sa puso at hindi pinilit. Sa huli, ganap ang pagbibigay dahil it Enables. Nagbibigay ito ng bagong simula o lakas sa binibigyan. Maraming iba pang paraan kung paano makapagbibigay, pero mas ganap ito kung gagawing ng bukas-palad o generously at walang kapalit, inclusive o walang pagtatangi, voluntary o bukal sa loob at mula sa puso o walang pamimilit, at higit sa lahat it enables o nagbibigay pag-asa at panimula sa binibigyan. Sa panahong ito ng pangangailangan at pagtutulungan, maging inspirasyon natin ang balo sa ating ebanghelyo. Tulad niya, kahit sapat lang o minsa’y kulang pa para sa atin, laging may puwang para tumulong at magbigay para sa Diyos, sa kapwa, at bayan. Amen.