EBANGHELYO: Lk 21:34-36
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya’t lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Noong mga bata pa kami, madalas taguan ang aming laro sa loob ng bahay. Kapag ako ang taya at habang nakapikit ang aking mga mata, nararamdaman ko na lumalakas naman ang aking pandinig. Pinakikiramdaman ko at binabantayan, kung saan tumatakbo at maaaring magtago ang mga kapatid ko. Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon, na dapat tayong laging magbantay at manalangin, para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayari, at makaharap ang Anak ng Tao, si Jesus. Batid natin na may katapusan ang panahon. Madalas tinatawag itong paghuhukom. Madalas din itong katakutan dahil sa walang katiyakan kung kelan ito darating o mangyayari, at kung sino ang maliligtas. Si Jesus ay dumating at hinango tayo sa sala sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay sa krus. Ito ay kusang pagkakaloob ng kanyang sarili upang ibalik ang naputol na ugnayan natin sa Diyos Ama. Ito ang malaking katiyakan na nais ni Jesus na tayo ay maligtas at makapiling ng Diyos Ama sa langit kasama Niya. Ano ang mga paraan upang makapiling tayo ng Diyos sa langit? Talikdan ang mga kasalanan, magbalik loob sa Diyos at manalangin. Maaari ding mag-impok ng mga yamang makalangit tulad ng kawang gawa, pagtulong sa kapwa, pagpapatawad, at marami pang iba. Lagi tayong manalangin. Huwag nating sukuan ang pananalangin. Sa panahon ng pandemya, maraming karanasan ng mga covid-19 victims ang nagpapatunay na sa huli, ang panalangin at pagsuko sa Diyos ang ating maririnig sa kanila. Totoo, na sa mga panahon ng kagipitan, nagpapasalamat tayo dahil may Diyos na buhay na ating matatakbuhan. Harinawa, manatili tayong matatag sa hamon ng buhay.
PANALANGIN
O Diyos, batid mo ang nilalaman ng aming puso at isipan. Sa panahon ng aming pagbabantay sa Iyong pagbabalik, tulungan mo po kaming maging matatag sa aming pananampalataya. Amen, Amen.