Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 1, 2020 – MIYERKULES SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Lk 10:21-24

Nag-umapaw sa galak sa Espirito Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud- lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, kung sino ang Ama kundi ang Anak at sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang panalangin ni Jesus na narinig natin, ay panalangin ng papuri at pasasalamat sa Espiritu Santo pagkatapos ng matagumpay na misyon ng Pitumpu’t dalawang (72) disipulo.  Ang tagumpay ng misyon nila ang nagbukas sa kanilang isipan upang maunawaan nila ang kapangyarihan ni Jesus.  Tunay nga, na kapag hiningi natin ang tulong at gabay ng Espiritu Santo bago simulan ang anumang gawain, magiging matagumpay ito.  Dahil Siya mismo ang kikilos at magsasalita, sa pamamagitan natin.  Ganito kadalasan ang karanasan ng mga taong nagpapatotoo tungkol sa kanilang pananampalataya. Nakapagsasalita sila ng mga karunungan at inspirasyong, hindi nila akalaing mamumutawi sa kanilang mga labi.  Ganito rin marahil ang karanasan ng marami sa atin, sa tuwing nagbabahaginan tayo tungkol sa Salita ng Diyos.  Nagiging mabunga at kapaki-pakinabang ang ating sharing dahil sa patnubay at gabay ng Espiritu Santo.  Pinupuri rin ni Jesus ang Ama dahil ipinamulat Niya sa maliliit kung ano ang kalugod-lugod sa Kanya.  Ang mga maliliit, ay tumutukoy sa mga dukha, sa mga taong marunong mamuhay sa kapayakan at kababaan, sa mga taong itinakwil ng lipunan na walang ibang inaasahan kundi ang Diyos.  Mga kapatid, ilan ba sa atin ang namumuhay ng mahirap at may kapayakan – pero puno ng saya, kapayapaan at pagmamahalan sa loob ng tahanan?  At ilan naman, ang namumuhay ng mayaman na puno ng pagkabalisa sa dami ng utang, laging nag-aaway, walang respeto sa isa’t isa at may kanya-kanyang pinag-kakaabalahan.  Ito ang mga kabalintunaan ng buhay na mahirap unawain.  Tunay nga, na kapag wala ang Diyos sa sentro ng ating buhay, pamilya at samahan – walang saya at kapayapaan tayong mararanasan.  Dahil ang mga ito’y hindi nabibili, kundi regalong nagmumula sa Diyos.  Ngayong panahon ng Adbiyento, hilingin natin ang karunungang makita ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nagpakababa at naging taong katulad natin alang-alang sa pagmamahal.  Siya nawa ang maging sentro ng ating buhay at pag-iral sa mundo.  Amen.