EBANGHELYO: Mt 7:21, 24-27
Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakaririnig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhanginan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Ariel Garcia ng Diocese ng Tagum ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ang ating pangarap sa buhay ay mananatiling pangarap lamang kung wala tayong gagawin para matupad ang ating hinahangad. (Kung pangarap mong makatugtog ng gitara, kailangang hahawak ka ng gitara at araw-araw mong pag-aaralan, paano tumugtog ng gitara. Kung pangarap mo namang maging isang doctor, kailangan mong mag-aral ng mabuti, nagbabasa ng libro, nakikinig sa mga propesor, at lahat ay gagawin mo, para lamang makamit ang iyong pangarap.) Kung hindi tayo magsisikap na tuparin ang dapat gagawin, hindi rin matutupad ang ating pangarap.// Sa buhay Espiritwal, pangarap mo din bang makapasok sa kaharian ng Diyos? Pangarap mo din bang makapiling ang Diyos? Sa palagay mo ba – sapat na ang magdasal lamang upang makapasok sa Kanyang kaharian? Ang ating Panginoong Hesus ay malinaw sa Kanyang salita. Ang mabisang paraan ay ang pagsasagawa ng bawat salita ng Diyos sa ating buhay. Kailangan nating suriin at baguhin ang ating mga ugali at asal sa pamamagitan ng pakikinig, pagtanggap, pag-unawa sa mga salita ng Diyos at pag-aralan kung paano natin isasagawa ang salita ng Diyos sa ating buhay at sa ating pakikisama sa ating kapwa tao.// Sa panahong ngayon, hindi tayo nakatitiyak na ligtas tayo sa mapanganib at kahirapang dulot ng pandemia. Lahat tayo’y nasusubukan sa iba’t-ibang pangyayari. Mga kapatid, sa mga bagyo at kabalisahan ng ating buhay, naway huwag tayong mag-alinlangan sa ating pananampalataya. Bigyan nawa tayo ng Diyos ng lakas ng loob na mabuhay ayon sa ating paniniwala na nakaugat sa pagtupad ng mga salita ng Diyos sa ating buhay, nang sa gayon, makatulong tayo sa kapwa nating naghihirap sa panahon ngayon. Amen.//