Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 4, 2020 – BIYERNES SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Mt 9:27-31

Sumunod kay Jesus ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang ang gusto ninyong mangyari?”  “Oo, Ginoo!” Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni John Alfred Rabena ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Naranasan mo na bang mangapa sa dilim?  Habang hinaharap natin ang corona virus pandemic, marami sa atin ang nababalisa at napanghihinaan ng loob dahil hindi natin natitiyak kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Marami sa atin ang nangangapa sa dilim, at hindi sigurado sa daang tatahakin. (Sa mga mag-aaral, for example, pumapasok tayo sa online classes na hindi sigurado kung magiging stable ba ang internet connection hanggang sa katapusan ng klase.  Sa mga kababayan nating naghahanap-buhay sa ibang bansa, marami ang umuwi sa Pilipinas dahil sa krisis na idinulot ng pandemya.) Hindi natin natitiyak kung hanggang kailan mananatili ang mga inipon nating pera at ari-arian. (Sa mga kapwa nating nagmahal at nasaktan, hindi rin tayo sigurado kung kailan tuluyan nang maghihilom ang mga sugat ng nakaraan.)  We are faced with so much uncertainty, and this has caused us so much anxiety.  Sa ating ebanghelyo, may dalawang bulag na tulad natin ay nangapa rin sa dilim. Pero sa halip na sila’y panghinaan ng loob at mapuno ng pagkabalisa, sila’y napasigaw at kinilala si Hesus, ang Anak ni David.  Sa isang lipunang nagbubulag-bulagan sa tunay na pagkakakilanlan ni Hesus, narito ang dalawang bulag na mas nakakikita pa kaysa sa mga may normal na paningin. Kaya’t inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na tularan ang pananampalataya ng dalawang bulag na tumawag kay Hesus.  Ayon sa sulat sa mga Hebreo: “Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at katunayan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.” Hindi man natin nakikita nang malinaw ang mangyayari sa kinabukasan, nariyan ang Diyos.Nangangapa man tayo sa dilim dahil sa ating mga kahinaan, nariyan si Hesus. Sana all nakikilala si Hesus sa kabila ng kawalan ng katiyakan. Tularan natin ang dalawang bulag at isuko lahat ang ating pasanin sa Panginoon:  Hesus, Anak ni David, nangangapa po ako sa dilim at natatakot po ako dahil hindi ko po natitiyak nang lubusan ang aking kinabukasan. But I say my YES to You, dear Jesus, believing and hoping that You will be with me through thick and thin, until the end of time. Amen.