Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 8, 2020 – MARTES SA IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO | Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Birheng Maria

EBANGHELYO: Lk 1:26-38

Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambayanan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus . Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginagalaw ng lalaki?” “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.

PAGNINILAY

Ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria ay naganap ayon sa kalooban ng Diyos. Hindi nagkasala si Maria, at hindi siya nabahiran ng kasalanang orihinal.  Kay Maria, nakita natin kung ano ang ibig sabihin ng kaligtasan. Kay Maria, nakita natin kung ano ang buhay na malaya sa kasalanan.  (Kalooban ng Diyos na ang bawat tao’y mabuhay nang hindi inaalipin ng kasalanan.)  Ipinapaunawa sa atin ng pagdiriwang na ito ang hinaharap ng bawat tao – ang ating tadhana.  Ang naganap sa Mahal na Birhen na mabuhay nang malaya sa kasalanan ay magaganap din sa atin dahil sa pagmamahal ng Diyos. (Dahil kay Jesus, natamo natin ang kaligtasan. Ito ang kalooban ng Diyos – ang mabuhay ng malaya sa pang-aalipin ng kasalanan.)  Mga kapatid, sa pagtanggap natin ng Sakramento ng Binyag, nalinis na ang orihinal na kasalanang minana natin sa ating unang magulang.  Sa Sakramento ng kumpil, mas pinag-alab pa ang tinanggap nating Banal na Espiritu, na siyang nagpapalakas sa atin upang mapaglabanan ang kasalanan.  Kung tutuusin, nasa sa atin na ang mga biyayang espiritwal na kakailanganin natin upang makapamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Pero binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan!  Nasa sa atin pa rin ang desisyon  kung mamumuhay tayo ayon sa kalooban ng Diyos o taliwas sa Kanyang kalooban.