EBANGHELYO: Mt 11:28-30
Sinabi ni Jesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Naapektuhan ka rin ba ng mga bagyong nanalasa sa ating bansa kamakailan? Nabibigatan ka pa rin ba at nahihirapang bumangon? Hindi pa nga tayo ganap na nakakabalik sa normal na buhay dahil sa pandemyang dulot ng covid 19 sunod-sunod na bagyo pa ang dumaan sa atin. Kapatid, hinihikayat tayo ni Jesus sa ating Mabuting Balita ngayon na lumapit sa kanya. Pasanin ang kanyang pamatok at mag-aral sa kanya dahil Siya ay maamo at mababang-loob. Sabi pa ni Jesus, na sa ganitong paraan giginhawa ang ating kaluluwa.// Sa Unang Pagbasa mula sa Aklat ni Propeta Isaias na sinulat noong Babylonian exile, makikita natin na sa gitna ng paghihinagpis ng mga Israelita, ipinahayag ng Profeta ang gagawing pagliligtas ni Yahweh sa kanila, at isang paganong hari ang kinasangkapan ng Diyos upang makauwi sila sa Israel at magsimulang muli. Mga kapatid, humugot tayo ng lakas sa kasaysayan ng bayan ng Diyos. Kahit paulit-ulit silang nalulugmok sa kasalanan, hindi sila sinusukuan ng Diyos. Kapag lumapit sila sa Diyos at manalangin, hindi sila kailanman binibigo ng Diyos. (Paano nga ba gagaan ang ating pakiramdam kung lalapit tayo sa Diyos? Nakakita na ba kayo ng kalabaw na may hinihilang mabigat na bagahe? Hindi ba may pamatok na inilalagay sa ibabaw ng leeg ng kalabaw at doon sa magkabilang dulo ng pamatok itinatali ang mabigat na bagahe? Ito ang larawang sumagi sa isip ko sa sinabi ni Jesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Kahit mabigat ang ating dala kung may malambot na pamatok, hindi natin gaanong ramdam ang sakit na dulot ng bigat nito. Lalo na kung katuwang natin sa pagpasan nito ang ating Panginoon.) Kapanalig, nabibigatan ka ba sa mga pasanin mo sa buhay, subukan mong umupo sa harap ng Blessed Sacrament. You don’t have to say a word. Just fix your gaze to Jesus. Tiyak tutulo ang luha mo. Hindi man agad nalutas ang problema mo, tiyak na gagaan ang pakiramdam mo dahil dama mo ang presensya ng Diyos sa yong buhay. Naalala ko tuloy ang kantang, Footprints in the Sand. When the man confronted the Lord why there was only one set of footprints during the most difficult moments in his life, the Lord replied, “It was then that I carried you”. Kapanalig, kung nabibigatan ka sa mga pasanin mo sa buhay, huwag kang susuko o panghinaaan ng loob. Lumapit ka kay Jesus. Kunin ang kanyang pamatok at hayaan mo syang sabayan ka sa paglakbay at alalayan sa pagpasan ng iyong mga mabibigat na pasanin sa buhay. Amen.