Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 10, 2020 – HUWEBES SA IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Mt 11:11-15

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang Kaharian ng Langit ay marahas na sumusulong at mga maylakas ang silang umaagaw nito. “Pagpopropesiya nga lamang ang panahon ng Mga Propeta at ng Batas hanggang kay Juan. At kung gusto ninyo itong tanggapin, si Juan ang Elias na darating. Makinig ang may tainga.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni John Alfred Rabena ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. (Sa Korean drama na pinamagatang Crash Landing On You, may isang eksena kung saan si Yoon Se-ri ay namasyal sa palengke kasama ang kanyang mga bagong kaibigan sa North Korea. Dahil si Yoon Se-ri ay isang estranghero sa North Korea, nawala siya sa kalagitnaan ng mataong pamilihan at lubhang nag-alala ang kanyang mga kaibigan, lalo na ang kanyang tagapagtanggol na si Captain Ri. Si Captain Ri ay nagmadaling pumunta sa palengke at doon ay bumili siya ng isang scented candle. Itinaas niya ang nakasinding kandila at ang ilaw nito ay sinundan ni Yoon Se-ri.// Sa pag-focus ni Yoon Se-ri sa ilaw ng kandila, natagpuan niya ang kanyang tagapagtanggol sa gitna ng magulo at abalang pamilihan. Tulad ni Yoon Se-ri, tayo rin ay tila napapalibutan ng isang magulo, maingay, at abalang merkado kung saan iba’t ibang boses ang pwede nating pakinggan.) Narinig natin sa ebanghelyo na, “mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas.”// Maraming mga kaisipan at boses sa mundong ating ginagalawan ang pilit na naglalayong ihiwalay tayo sa kaharian ng Diyos. Iba’t ibang boses ang bumabagabag sa ating isipan at dinadala tayo sa depresyon at kawalan ng pag-asa. Sinasabi sa atin ng mundo na hindi posibleng malapitan si Hesus dahil tayo’y mahina, marupok, at makasalanan. Nawawalan tayo minsan ng pag-asa na pumasok sa simbahan dahil sa tingin natin ay hindi tayo qualified na lumapit sa Diyos at magbagong-buhay. Minsan, nakukuntento at nasasanay na tayo sa ingay at karahasan ng mundo.// Pero, sinasabi rin ng ebanghelyo na ang maliit sa kaharian ng Diyos ay mas dakila pa kay Juan Bautista. Pinapamalas nito sa atin na ang sinumang kumakapit sa awa at habag ni Hesus, ang sinumang sumusunod sa Kanyang kalooban, ay mapapabilang sa Kaharian ng Diyos. Ang mapabilang sa Kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa sa estado ni Juan Bautista, dahil hindi nasilayan ni Juan ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.// Tayong mga nabinyagan bilang Kristiyano at sumasampalataya sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo ay tumanggap ng isang malaking regalo mula sa Diyos. Sa gitna ng mga boses na sumisira sa ating pakikipagkaibigan kay Hesus, inaanyayahan tayo ng ebanghelyo na mag-focus kay Hesus, ang ilaw ng ating buhay. Sikapin nating pakinggan ang boses ng ating tagapagtanggol, at sundan ang Kanyang maliwanag na ilaw. (Tulad ni Yoon Se-ri),(Nang sa gayon) makakaramdam tayo ng kaginhawaan at kapanatagan kung susundin natin ang boses at ilaw ng ating natatanging tagpagtanggol.// 

PANALANGIN

“Mahal kong Panginoon, salamat po sa pagtawag at paghahanap sa inyong anak na nawawala sa kadiliman at karahasan ng mundo. Patatagin po ninyo ang aking puso’t isipan upang sa Inyo lamang ako mag-focus at nang aking makamit ang buhay na walang hanggan. Amen.”