EBANGHELYO: Mt 11:16-19
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo ngunit ayaw ninyong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!’ Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiiom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayon pa man, magaling ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Kailan mo huling nakasayaw si Jesus? O kailan mo huling hinayaan na isayaw ka ni Jesus? Baka tanungin mo ako na, kailan naman kaya ako inimbitahan ni Jesus na sumayaw? Ohhh. Araw-araw, o maraming beses sa isang araw. Ang bawat sitwasyon, iyan ang ipinasasayaw sa atin ni Jesus. Iba-iba ang tiyempo at tugtog ang inihahandog ni Jesus sa atin. May masaya, malungkot, may payapa, mayroon din na “shake”. Halimbawa, Ang sitwasyon: ngayong nalalapit na Pasko, napansin mo ang kapatid mo na malungkot. Ang imbitasyon ni Jesus: Lumapit ka at yakapin siya. At ginawa mo. Wala kang sinabi kundi, “I love you.” Hindi lang ang kapatid mo ang na-lighten ang feeling, kundi ikaw din. Hindi pa Pasko, pasko na ang feeling mo.(Deeper ang happiness kapag ikaw ang nagbabahagi. So grab the moment sa ganitong imbitasyon.) Isa pa. Ang sitwasyon: Nakakalimot ka nang magdasal. At may nangyaring nakakagimbal sa inyong pamilya. Ang imbitasyon ni Jesus: “Shake yourself” para magising ang natutulog sa kalooban mo. Ibalik ang dating mataimtim mong pagdarasal at pagtitiwala sa Diyos. Madali natin itong makikilala kung attentive tayo sa ipinatutugtog ni Jesus. Bukod pa dito kapatid, hindi lang dahil kaloob ni Jesus na sumayaw tayo sa tamang tiyempo, kundi, pansinin natin ang sinabi ni Jesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo. May wisdom ang lahat ng ito. Lalo tayong magiging matatag, at patuloy na mag-aadvance at mag-a-upgrade hanggang masabi natin “nabubuhay sa akin si Lord”. (Kaya kapag inabot na ni Jesus ang kamay Niya para tayo isayaw, buong tiwala nating ibigay hindi lang ang ating kamay pati ang ating kalooban. Let us dance in the wisdom of Christ. Kung saan niya tayo igagabay, doon tayo umikot at magiliw tayong sumayaw.)