EBANGHELYO: Mt 1:18-25
Ito ang pangyayaring napaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi nga ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’ Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Angel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. Ngunit hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan niya itong Jesus.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Matuwid” ganyan po inilarawan sa atin si Jose. Bilang Judio siya’y matuwid, at masigasig niyang isinasabuhay ang batas ng Diyos. Kaya naman, sinasabi na dahil sa kanyang pagiging matuwid, at dahil sa ayaw niyang mapahiya at maparusahan si Maria, gusto na lamang niyang maglaho sa eksena. Pero kakaiba ang Diyos gumamit ng panahon, tao at pagkakataon, para matupad ang kanyang panliligaw sa sangkatauhan. Sa panaginip sinuyo ng Diyos si Jose. Wala tayong narinig ni isang salita mula sa kanya. Mababasa lamang natin na pagkagising niya, sumunod siya, tumalima, at ginawa ang kalooban ng Diyos. Siguro po ngayong panahon ng pandemya, magandang tularan ang pananahimik ni San Jose. Masyado nang maingay ang mundo, maraming gustong magsalita, maraming gustong madinig sila, pero walang nakikinig. Ang taong matuwid po ay yung mga taong tugma ang salita at gawa. Siguro po may binubulong ang Diyos sa pananahimik, may sinasabi siya sa kahinahunan, siguro kailangan din natin paminsan-minsan na makinig para malaman ang kanyang kalooban sa ating buhay. Amen.
PANALANGIN
Panginoon, magsalita ka nawa sa aming pananahimik upang matupad namin ang iyong kalooban sa aming buhay. Amen.