Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 23, 2020 – MIYERKULES – MGA HULING LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Lk 1:57-66

Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan n’ya kung gaano nagdadalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila upang tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinusulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” dahil sumasakanyang talaga ang kamay ng Panginoon.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  “It’s better late than never”. Ito ang madalas kong marinig na palusot ng mga laging huli kung dumating. Sa palagay ko angkop din ito sa buhay nina Zacarias at Elizabeth. Kaya napipi si Zacarias dahil hindi siya naniwala sa balita ng anghel na maglilihi ang kanyang asawa. Sino ba naman kasi ang maniniwala na kung kailan sila tumanda, saka pa sila magkakaanak. Pero pinapatunayan ng ating Mabuting Balita ngayon na walang huli at imposible sa Diyos. God has a perfect time for everything. Isang malaking kagalakan hindi lamang sa mag-asawa ang kapanganakan ni Juan Bautista kundi ng buong pamayanan. Huli man siyang dumating sa buhay nina Zacarias at Elizabeth, perfect naman ang kanyang timing upang ihanda ang daan ng manunubos na si Jesus. Kapatid, may hinihingi ka rin ba sa Diyos? Gaano mo na ba katagal ipinagdarasal yan? Huwag mong sukuan. Kung makabubuti yan para sa iyo at sa pamayanan, tiyak ipagkakaloob yan sa iyo ng Diyos sa tamang panahon. Habang naghihintay sa tamang panahon, hayaan mo ang Diyos na dalisayin ka pa nang lubusan upang higit kang maging karapat-dapat tumanggap sa kanyang ipagkakaloob saiyo. In God’s time walang late dahil hindi saklaw ang Diyos ng orasan ng tao.