EBANGHELYO: Mt 10:17-22
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat sa mga tao, ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang ninyong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.
PAGNINILAY
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul. Parang mali ang timing ng ebanghelyong narinig natin ngayon. Kahapon nagagalak tayo sa pagdating ni Hesus, tunay ngang maliligtas tayo, dumating na ang Mesiyas kaya’t masaya ang lahat. Kaya naman parang nakapagtataka na tungkol sa pag-uusig ang ating narinig. Pero sa realidad po ng buhay, ang ebanghelyong ito ay nasa timing. Ipinapaalala sa atin ng Diyos, na bagamat siya’y nagpadala ng Kanyang anak, hindi tayo ligtas sa mga mang-uusig. Ito yung mga taong matigas ang puso, mahina ang loob, mataas ang tingin sa sarili, bulag sa kanilang sariling paniniwala—mga taong hindi na marunong tumingala at kumilala sa Diyos na sa kanila’y Maylikha. Kapatid, ang pagiging malaya ng tao ay regalo ng Diyos. Kaya naman, nirerespeto ng Diyos nang lubos ang kalayaang kaloob Niya sa atin. Patuloy Siyang nagpapakilala at lumalapit sa atin, tayo ang kanyang hinihintay na ipakilala ang ating sarili at kilalanin Siya bilang Diyos. Pero, sa ating pagkilala marami ang tututol at magbubulagbulagan, ang malungkot na istorya ay, marami ding bulaan na maghahari-harian at sila din ay lubos na mang-uusig. Ngayong araw, dumalangin tayo kay San Esteban na bigyan tayo ng tapang at paninindigan upang ipaglaban ang ating Diyos. Lalung-lalo na sa panahon ngayon ng fake-news, mga di mabilang na debate tungkol sa moralidad, mga usapin tungkol sa dignidad ng pagkatao. Magtiwala tayo na Siya’y tunay na Emmanuel, ang Diyos, bagamat tayo’y inuusig, ay tunay na sumasaatin. Amen.