Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 29, 2020 – MARTES – IKALIMANG ARAW SA PAGDIRIWANG NG PASKO

EBANGHELYO:  Lk 2:22-35

Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala nila Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa Jerusalem para iharap sa Panginoon–tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati. Ngayon sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at maka-Diyos ang taong iyon. Hinihintay n’ya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Na hindi s’ya mamamatay hangga’t hindi n’ya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.” Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at maging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa katolikong pananampalataya, pinaniniwalaan ang Espiritu Santo bilang ikatlong persona ng Diyos. Ang Espiritu Santo ang nagmulat ng kaisipan ni Simeon, na ang kalong niyang sanggol ay ang pangakong mesiyas at tagapagligtas, at pagbagsak din ng mga sa Kanya’y hindi sasampalataya, bilang Anak ng Tao.  Naranasan mo ba ang pagkilos ng Espiritu Santo sa’yong buhay? Sa aking maraming karanasan at sa mga panahong dapat akong gumawa ng malaking desisyon, sa Banal na Espiritu ako laging tumatawag at humihingi ng gabay. Mga kapatid, manalangin tayong lagi sa Espiritu Santo upang tayo’y gabayan at tulungan sa pagkilala natin kay Jesus. Upang sa pagdating ng takdang panahon, makasama tayo sa mga babangon at makakasama ni Jesus sa kaluwalhatian. (Harinawang sa tulong ng Espiritu Santo, patuloy tayong gabayan sa ating paglalakbay sa mundong ito. Sa ating mga pagsisikap, makamtan nawa natin ang pangako na langit sa mga tapat sa Diyos. Makita nawa natin ang nagliliwanag na mukha ng ating Tagapagligtas.) Amen. Amen.