Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 31, 2020 – HUWEBES – IKA-7 ARAW SA PAGDIRIWANG NG PASKO

EBANGHELYO: Jn 1:1-18

Sa simula’y may Wikang-Salita na nga, at kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Kaharap na nga siya ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya niyari tanang mga bagay, at kung wala siya, walang anumang nayari. Ang nayari ay buhay sa kanya, at liwanag ng mga  tao ang buhay. Sa karimlan sumisikat ang liwanag at hindi ito nahadlangan ng karimlan. May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi ‘yon liwanag, kundi patotoo  tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa bawat tao. Bagamat nasa mundo siya at sa pamamagitan n’ya nagawa ang mundo. Hindi s’ya kilala ng mundo. Sa sariling kanya s’ya pumarito at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sinumang tumanggap sa kanya sa paniniwala sa kanyang Pangalan, binigyang kakayahan nga sila na maging mga anak ng Diyos. Hindi mula sa dugo ang kanilang pagsilang, ni mula sa kagustuhan ng laman ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita at itinayo ang kanyang tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang mula sa Ama na bagay para sa bugtong na Anak, kaya lipos sa ng kagandahang-loob at katotohanan. Nagpatotoo sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang aking tinukoy: nagpauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, sapagkat bago ako’y siya na.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat, oo, abut-abot na kagandahang loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan ni Jesucristo

PAGNINILAY

Isinulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ngayong araw narinig natin ang isa pang bersyon ng talaangkanan ni Hesus na isinulat si San Juan. Hindi ito naglalaman ng mga pangalan ng totoong tao sa kasyasayan pero, nagsasalaysay ito ng katotohanang si Hesus ay buhat sa Diyos na Kanyang Ama. Sa pasimula, nandyan na ang Salita. Ang salita ay sumasa-Diyos, ang salita ay ang Diyos. Si Hesus—ang salita ng Diyos ang naging tagpuan ng Diyos at tao. Siya’y dumating sa mundo upang iahon ang lahat ng nasadlak sa kadiliman patungo sa liwanag. Dumadaan man tayo sa pangamba ng pandemya—manalig tayo sa Salitang kaloob ng Diyos. Tulad ni Maria, Jose at mga pastol, taimtim tayong magnilay-nilay upang mangusap ang Salita sa ating mga puso. At kung tayo’y naliwanagan, nakadama ng pagmamahal na ito ng Diyos, matuto tayong ibahagi ito sa iba—kahit na sa payak na pamamaraan—upangmadama din nila ang liwanag, pag-asa at pagmamahal ng Diyos na kanyang isinakatuparan ngayon, sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus.