EBANGHELYO: Mk 6:34-44
Nakita ni Jesus ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng matagal. Nang humahapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Paalisin mo sila ng makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang makakain.” “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “At kami pa pala ang bibili ng tinapay – dalawandaang denaryo di ba? At bibigyan namin sila.” “Ilang tinapay mayroon kayo? Sige, tingnan ninyo.” “Lima at may dalawa pang isda.” Kaya iniutos niya sa kanila na paupuin nang grupo-grupo ang makapal na tao sa berdeng damuhan. At naupo silang grupo-grupo, tigiisandaan at tiglilimampu. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ibigay din nila sa mga tao. Gayundin naman, hinati niya ang dalawang isda. At kumain silang lahat at nabusog, at tinipon nila ang mga natirang pira-piraso- labindalawang punong basket mga piraso ng tinapay pati na mga piraso ng isda. Mga limanlibong lalaki ang napakain.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Ester Bagac ng Instiute of Our Lady of Annunciation ang pagninilay sa Ebanghelyo. Napakabuti ng Diyos! Ang ating Panginoon ay hindi lamang concern sa ating espiritual na buhay kundi pati na rin sa physical na aspeto nito. Dahil sa dami nang napagaling ng Panginoon at marami ng nakakaalam nito, marami ang sumusunod sa kanya, kahit pa sila’y nagugutuman na sa daan. Ang Panginoon ay ubod ng kabutihan at maawain kaya hindi nya matiis ang mga tao na hindi pakainin bago ito magsiyaun. Mga kapatid, lubos akong nagpapasalamat sa Panginoong Jesus dahil tinuturuan Niya tayo sa Ebanghelyo na maging mabuti, maging maawain at higit sa lahat, maging mapagpasalamat sa Diyos Ama na Syang nagbibigay ng lahat ng mabubuting bagay dito sa mundo.
PANALANGIN
Panginoon, marapatin mo pong maging daluyan ako ng iyong biyaya at awa, lalo’t higit sa mga nangangailangan, Amen.