Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 4, 2025 – Huwebes | Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 5,1-11

Dinagsa si Hesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni si Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Hesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon. Ngunit sinabi ni Hesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.

Pagninilay:

Nagbanat ng buto, nauwi sa wala! Nanalangin, walang tugon; mga pagsubok, sunud-sunod; mga pangarap, hindi natupad. Pagod, bigo, ganito ang karanasan nina Simon Pedro—wala silang napala sa buong gabing pangingisda.

Dumating si Jesus sa gitna ng pagkadismaya, hindi agad-agad para bigyan ng huli ang mga nanghihinang mangingisda, kundi upang mangaral — Pinuno muna ang puso bago ang lambat. Pagkatapos, saka Niya sinabi: “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat.” Hindi mungkahi kundi paanyaya sa pagtitiwala. Kahit tila wala mang saysay, sumunod si Simon: “Dahil sinabi ninyo, ihuhulog ko ang lambat.” At naganap ang himala.

Hindi palaging sapat ang sipag at talino para magtagumpay sa buhay. Dumarating sa pagsunod sa Salita ng Diyos ang tunay na bunga —hindi man ito tugma sa logic. Minsan, nasa dulo ng ating pagod at pagsuko ang pinakamalalim na huli, kung kailan wala na tayong ibang mapanghawakan kundi si Jesus lamang.

Tulad ni Pedro, nauuwi sa kababaang-loob ang pagkilala sa Diyos: “Lumayo po kayo, Panginoon, ako’y makasalanan.” Hindi paglayo ang sagot ni Jesus, kundi paanyaya: “Huwag kang matakot.” Hindi nakabase ang biyaya ng Diyos sa kung sino tayo, kundi sa kung gaano Niya tayo kamahal. Iniwan ni Pedro ang lahat, sumunod—dahil kapag si Jesus ang tumawag, Siya ang magbibigay ng lahat.

Mga kapanalig, inaanyayahan tayong muli ni Jesus: Pumalaot ka. Magtiwala. Sumunod. Iwanan ang bangka kung kailangan, at maglakad kasama Niya. Sa Kanyang piling, ang payak, nagiging kamangha-mangha. Sumubok muli. Umasa. Kay Jesus, biyaya’y higit pa sa inaasahan.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul