Ebanghelyo: Luke 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Hesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon; Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa sa Jonas.”
Pagninilay:
Kapatid, naranasan mo na rin bang humingi ng tanda sa Diyos? Noong nagpaplano pa lamang akong pumasok sa kumbento, humingi rin ako ng tanda sa Diyos. May inialok kasi sa akin noon na one-year scholarship with pay. Dalawa kaming guro na nag-exam. Sabi ko sa Diyos, kapag pumasa ako, ibig sabihin ay hindi ako magmamadre kasi mag-aaral ako. Pero kapag hindi ako pumasa, papasok na ako kumbento. Dumating ang results ng kasama ko at pumasa siya. Walang resultang dumating sa akin. Ang sama pala ng pakiramdam nang hindi pumasa. Sabi ko sa Diyos, sige na nga, Lord, kahit pumasa ako, papasok pa rin ako sa kumbento. Dumating ang results at pumasa pala talaga ako, kaso naka-address sa boarding house. Hindi siguro ako kilala ng napagtanungan ng kartero kaya bumalik sa sender. Nang ipinadala sa paaralan, natanggap ko na. Sabi ko kay Lord, naisahan mo ako, ah. Pumasa naman pala ako. But I kept my word, pumasok pa rin ako sa kumbento upang magmadre. Kapatid, palagay ko hindi naman nagagalit ang Diyos sa panghingi natin ng tanda. Minsan, nagbibiro pa si Lord sa pagsagot sa ating dasal. Ang ikinagalit niya sa mga tao sa ating Mabuting Balita ngayon ay ang katigasan ng kanilang mga puso. Nasaksihan na nila ang mga himalang ginawa ni Hesus, pero ayaw pa rin nilang maniwala at magbalik-loob sa Diyos.
Manalangin tayo: Panginoong Hesus, patatagin nyo po ang aming pananampalataya nang hindi na namin kailangan pang humingi ng tanda dahil ikaw lamang ay sapat na. Amen.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp | Daughters of St. Paul