Jer 11:18-20 – Slm 7 – Jn 7:40-53
Jn 7:40-53
May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Jesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba't sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David at galing sa Betlehem na nayon ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya.
Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n'yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma'y wala pang taong nangusap nang ganito.” Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila'y isinumpa!”
Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.”
At umuwi ang bawat isa sa kanila.
PAGNINILAY
Ang pagninilay natin sa araw na ito, ibinahagi ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul. Ano ang katotohanan? Ito ba’y nalalaman lamang sa pamamagitan ng pag-iisip? O kailangan ba itong maranasan ng ating buong kalooban? Sa ebanghelyong narinig natin nakilala ng mga taong nakarinig kay Jesus na siya nga ang Kristo, ang Tagapagligtas, dahil bukas ang kanilang puso at kalooban. Sa panahon natin ngayon, napakarami ang hinahatulan ng kamatayan nang walang karampatang pagdinig at katarungan. Pinaghihinalaan pa lang, ikinakalat na ang mga paratang sa social media. Madalas, ikinukulong na natin sila dahil sa ating paghihinala at kakitiran ng isip. Hindi natin sila binibigyan ng pagkakataong magsalita at magpaliwanag. Marami din sa atin ang sumasang-ayon na patayin sila at iligpit. Mga kapatid, maging mahinahon nawa tayo at huwag maging bulag dahil sa ating masamang palagay at hinala. Hanapin natin ang katotohanan at manindigan tayo para sa mga taong sinisiil ng kasinungalingan. Manalangin tayo. Panginoong Jesus, ikaw ang katotohanan. Buksan mo po ang aming puso at diwa sa iyo, at gayun din sa aming kapwa. Amen.