Daughters of Saint Paul

Abril 02, 2017 LINGGO Ikalimang Linggo ng Kuwaresma

 

Ez 37:12-14 – Slm 130 – Rom 8:8-11 – Jn 11:1-45 (o 11:3-7, 17,  20-27,  33b-45)

Jn 11:1-45

Pagdating ni Jesus, apat na araw na palang nakalibing si Lazaro.

            Sinabi ni Marta kay Jesus:  “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hilingin mo sa Diyos ay ibibigay ito sa iyo ng Diyos.”

            Sinabi sa kanya ni Jesus:  “Babangon ang kapatid mo.”  Sumagot si Marta:  “Alam ko na babangon siya sa muling pagkabuhay sa huling araw.”

            Sinabi sa kanya ni Jesus:  “Ako ang muling pagkabuhay (at ang buhay). Mabubuhay ang naniniwala sa akin kahit na siya ay mamatay. Hinding-hindi mamamatay ang bawat nabubuhay sa paniniwala sa akin.”

            Nabagabag ang loob ni Jesus at nagpunta siya sa libingan. Isang yungib iyon, at may batong nakatakip doon. Kaya sinabi ni Jesus:  “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi sa kanya ni Martang kapatid ng yumao:  “Panginoon, nangangamoy na siya, sapagkat apat na araw na.”  Sinabi sa kanya ni Jesus: “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung maniniwala ka, masasaksihan mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” At inalis nila ang bato.

            Tumingala naman si Jesus at sinabi:  “Ama, pinasasalamatan kita pagkat dininig mo ako. Alam ko na lagi mo akong dinidinig, subalit dahil sa mga taong nakapaligid ako nangusap upang maniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin.”  Pagkasabi niya nito, sumigaw siya ng buong lakas: “Lazaro, halika sa labas!”  Lumabas ang namatay na natatalian ang mga paa at kamay ng telang panlibing, at napupuluputan din ang mukha niya. At sinabi ni Jesus sa kanila:  “Kalagan niyo siya at bayaang siyang lumakad.”

            Kaya marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ay naniwala sa kanya. 

PAGNINILAY

Ang pagninilay natin sa araw na ito, ibinahagi ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul.  Mga kapatid, hindi natin mapag-uusapan ang pagkabuhay na muli kung walang kamatayan. Kailangan ka munang mamatay bago ka mabuhay muli, di ba? Sa Ebanghelyo natin sa araw na ito, makikita natin si Jesus na kusang ipinagpaliban ang kanyang pagpunta sa Betanya, kahit na alam niyang malubha ang karamdaman ng Kanyang kaibigang si Lazaro. Kailangan munang mamatay si Lazaro upang maging mas matibay na patotoo ng pagkabuhay-na-muli ang pagbuhay ni Jesus sa kanya. Para mabigyang patunay ang sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-na-muli at ako ang buhay,” kailangan muna niyang mapailalim sa dilim ng kamatayan upang magapi o mapagtagumpayan ito.  Panginoon, sa iyong pagkamatay sa krus, pinagpanibago mo ang mukha ng kamatayan. Tulungan mo kaming maunawaan na kailangan naming mamatay upang magapi ang kamatayan.  Amen.