Jer 20:10-13 – Slm 18 – Jn 10:31-42
Jn 10:31-42
Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin si Jesus. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa ang itinuro ko sa inyo mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung ba't n'yo ako binabato?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat gayong ikaw ay tao, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Hindi ba nasusulat sa Batas ninyo: 'Aking sinabi, “mga diyos kayo” '? Kaya tinawag na mga diyos ang mga tumatanggap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, nang sinabi kong ako ang Anak ng Diyos—ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo –bakit n'yo sinasabing paglapastangan ito?
“Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking ama, huwag n'yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala naman kayo sa mga gawa. Kaya alam na alam nga ninyo na nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.”
Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin si Jesus ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya nanatili. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Hindi nga gumawa ng anumang tanda si Juan, pero nagkatotoo nga ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo'y marami ang naniwala sa kanya.
PAGNINILAY
Mga kapatid, paano maniniwala kay Jesus ang hindi naniniwala sa Kanya? Paano mo ipaliliwanag sa walang pananampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos kung hindi naniniwala sa Diyos ang pinagpapaliwanagan mo? Paano natin sasabihin na kay Jesus nagkatotoo lahat ang nasusulat sa Matandang Tipan kung hindi naman naniniwala sa Biblia ang kausap natin? Kung si Jesus nga ang Tagapaligtas, saan Niya tayo iniligtas? May patunay bang talaga ngang nabuhay muli si Jesus? Ayon sa kasaysayan, may Jesus na nabuhay sa Gitnang Silangan mga dalawang libong taon na ang nakararaan. Para sa marami, hamak na karpintero at magaling na mangangaral siya. Pero para sa mga sumunod sa Kanya, nabuksan ang kanilang mga mata para makita sa Kanya ang alok ng Diyos na kaganapan nang buhay at malasakit sa tao. Karaniwan nga siyang tulad nila – pero iba Siya, at natatangi. Mga kapatid, hindi bunga ng mga pruweba ng siyensya ang pananampalataya kundi regalo ito ng Diyos mismo sa mga taong sumasampalataya sa Kanya. Paano mo pinahahalagahan ang pananampalatayang regalo sa iyo ng Diyos?