Ez 37:21-28 – Jer 31 – Jn 11:45-56
Jn 11:45-56
Marami sa mga Judiong sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ang naniwala sa kanya. Pumunta naman ang ilan sa kanila sa mga Pariseo at sinabi sa kanila ang mga ginawa niya.
Kaya tinipon ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian na Sanhedrin, at sinabi: “Ano ba'ng gagawin natin? Marami siyang mga ginagawang tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at aalisin maging ang ating banal na lugar at ang ating bansa.”
At isa sa kanila, si Caifas, na Punong-pari sa taong iyon, ang nagwika: “Wala kayong kaalam-alam. Hindi n'yo naiintindihan na makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan, upang hindi mapahamak ang buong bansa.”
Hindi sa ganang sarili niya sinabi ang mga salitang ito, kundi sa pagiging Punong-pari niya sa taong iyon, sinabi niya ang propesiyang ito: dapat ngang mamatay si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin pati ang mga nakakalat na anak ng Diyos upang maging isa. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na tahasang naglakad si Jesus sa lugar ng mga Judio kundi umalis siya mula roon patungo sa lupaing malapit sa ilang, sa isang lunsod na Efraim ang tawag, at doon siya nanatili kasama ng mga alagad.
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon ang marami pa-Jerusalem mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang malinis ang sarili. Kaya hinanap nila si Jesus at nang nasa Templo sila, sinabi nila sa isa't isa: “Ano sa palagay ninyo? Paririto kaya siya sa piyesta?”
PAGNINILAY
Mga kapatid, panahon ng pagninilay, pagharap sa sarili at pagsisikap na magbagumbuhay ang Kuwaresma. Paanyaya rin ito na pagtuunan natin ng pansin si Jesus – lalo na ang mga huling araw ng Kanyang buhay dito sa mundo – at Siya ang gawing sentro ng ating buhay. Sinimulan ni Jesus na ipahayag ang paghahari ng Diyos. Naglibot Siya para magturo at magpagaling ng mga maysakit. Katotohanan lamang ang namutawi sa Kanyang bibig, at wala Siyang ibang ginawa kundi ang magmalasakit sa kapwa, lalo na ang mga naaapi at kaawa-awa. Pero hindi nagtagal balak na Siyang iligpit ng mga nasa kapangyarihan. Marami Siyang nasasagasaan, at namumulat ang mga tao sa tunay na kalagayan ng kanilang buhay. Kaya nasabi ni Caifas na mas makabubuti na isang tao lang ang mamatay kaysa mapahamak ang lahat – kaysa sila ang mapahamak! Ganito pa rin ang nararanasan ngayon ng maraming Kristiyanong nagtataguyod ng katarungan, nanganganib ang buhay, nakukulong, pinaparatangan nang kung anu-anong kasinungalingan at hindi pinaniniwalaan sa hukuman. Walang ikinaiba sa dinanas ng ating Panginoong Jesus, na humantaong sa krus sa huli. Handa ba nating yakapin ang krus alang –alang sa katarungan, kapayapaan at pagmamahal sa kapwa na manumbalik sa ating bayan?