Daughters of Saint Paul

Abril 09, 2017 LINGGO ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon

 

Is 50:4-7 – Slm 22 – Fil 2:6-11 – Mt 26:14—27:66 (o Mt 27:11-54)  /  Mt 21:1-11

Mt 21:1-11

Malapit na sila [ang maraming taong sumusunod kay Jesus] sa Jerusalem, at pagdating nila sa Betfage, sa Bundok ng mga Olibo, inutusan ni Jesus ang dalawang alagad:  "Pumunta kayo sa kabilang ibayo at may makikita kayo roong isang inahing asno na nakataling kasama ang isang bisiro. Kalagan sila at dalhin sa akin. Kung may magtatanong sa inyo, sabihin ninyong: Kailangan  sila ng Panginoon pero ibabalik din sila kaagad."

            Kaya natupad ang sinabi ng Propeta:  “Sabihin sa Dalagang Sion: Parating na sa iyo ang iyong hari, simple, nakasakay sa asno, isang hayop na pantrabaho.”
            Umalis ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. Dinala nila ang asno at ang bisiro, at isinapin dito ang kanilang mga balabal para upuan ni Jesus.

            Marami naman ang naglatag ng kanilang balabal sa daan; pumutol naman ng mga sanga mula sa mga puno ang iba at inilagay rin ang mga ito sa daan. Sumigaw ang mga taong nangunguna at sumunod sa kanya. Sinabi nila:  “ 'Hosanna sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa Ngalan ng Panginoon! Hosanna, luwalhati sa Kaitaasan!' ”

            Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lunsod, at nagtanungan sila:  "Sino ito?” At sumagot naman ang mga tao:  "It ang propetang si Jesus na taga-Nazaret ng Galilea." 

PAGNINILAY

Sa pagdiriwang natin ngayon ng Linggo ng Palaspas, ipinapakita sa atin ng pagbasa ang pabago-bagong isip ng sangkatauhan sa harap ng Panginoon.  Sa unang yugto ng pagdiriwang, “Hosanna!” ang sigaw ng Israel, na ang ibig sabihin, “Iligtas Mo kami, hiling namin.”  Sa ikalawang yugto, mapapalitan ang sigaw na “Hosanna!” ng “Ipako Siya sa Krus!”  Sa kabila ng pagiging matapat ng Diyos sa sangkatauhan, patuloy pa ring nakalilimot ang tao sa kabutihan ng Diyos.  Sa kabila ng Kanyang pagmamalasakit at walang-hanggang pagmamahal, sinusuway pa rin natin ang Kanyang kalooban at binabahiran ng dugo ng pagkakasala.  Mga kapatid, ang dugo sumasagisag sa buhay at hindi sa kasalanan.  Kung kaya ang pananagutan ng Israel sa dugo ng Panginoon, binigyan ni Jesus ng bagong pakahulugan nang pinananagutan Niya nang Kanyang dugo ang sangkatauhan.  Kay Jesu-Kristo, ang dugo nagkaroon ng bagong pakahulugan na hinding-hindi dapat kalimutan ng lahat ng Kristiyano:  ang pagbibigay ng sarili sa kapwa.  Sa pagsisimula ng Semana Santa, ang sigaw ng pagkakasala ng mga nanlibak kay Jesu-Kristo mapalitan nawa ng ating sigaw ng pananagutan at pagmamahal sa kapwa.  Nang sa gayon, tunay ngang nagkakatotoo ang kahulugan ng “Hosanna!” – “Iligtas Mo kami hiling namin.”