Daughters of Saint Paul

ABRIL 1, 2021 – HUWEBES SANTO

EBANGHELYO: Jn 13:1-15

Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras upang tumawid mula sa mundong ito patungo sa Ama, at siya na nagmahal sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang sa katapusan. Naghahapunan sila at naipasok na ng diyablo sa isip ni Judas na anak ni Simon Iskariote, na ipagkanulo siya. Alam ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang tunika, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Nang lumapit s’ya kay Simon Pedro sinabi nito sa kanya, “Panginoon, ikaw ba ang maghuhugas sa aking mga paa?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang aking ginagawa, ngunit mauunawaan mo makaraan ang mga ito.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hinding-hindi mo huhugasan ang aking mga paa, magpakailanman.” Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung hindi kita huhugasan wala kang kaugnayan sa akin.” Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na ang mga kamay at ulo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Mga paa lamang ang kailangang hugasan nang naligo na dahil malinis na ang buo n’yang sarili. Malinis na nga kayo, subalit hindi lahat.” Kilala na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya. Dahil dito kaya niya sinabing: ‘hindi lahat kayo’y malinis’.   Kaya nang mahugasan niya ang kanilang paa, kinuha niya ang kanyang tunika, bumalik sa hapag at nagsalita sa kanila: “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Kayo’y tumatawag sa aking ‘Guro’ at ‘Panginoon.’ Tama ang pagsasabi ninyo, dahil ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong paa, ako na siyang Panginoon at siyang Guro, gayundin naman kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa paghuhugas ng paa ng mga alagad anong aral ang nais ipakita ni Hesus bilang guro at Panginoon nila? Tatlong bagay ang nais ipahiwatig sa kanila ng Panginoon.  Una, ipinakikita Niya rito ang kababaang-loob na dapat taglayin ng sinumang nagnanais na maging pinuno at guro ng iba.  Pangalawa, ipinakikita Niya sa kanila na dapat silang maglingkod sa isa’t-isa.  Ikatlo, ipinahihiwatig nito sa diwang sakramental ang pangangailangan ng tao na malinis sa kasalanan.  Sa ating pang-araw-araw na buhay, iyan din ang panawagan sa atin ng Panginoon – na matuto tayong paglingkuran ang isa’t-isa nang buong pagtatalaga at pagmamahal.  Idalangin din nating matularan ang Panginoong Hesus sa pagiging servant leader.  Isang leader na hindi naghahari-harian, kundi huwaran sa wagas na paglilingkod at tunay na malasakit sa mga taong pinaglilingkuran. Amen.