Daughters of Saint Paul

ABRIL 1, 2022 – BIYERNES SA IKA- IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

Gaano ba kalalim ang ating pagkakilala at pagtanggap kay Kristo? Masusukat ang lalim ng ating ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananatili sa Kanya. Isang pinagpalang araw mga kapanalig mga kapatid kay Kristo! Unang araw ngayon ng Abril kaya batiin natin ang mga nagbi-birthday ngayon ng Maligayang Bati. Ipagdasal natin sila at ang lahat na birthday celebrators sa buwang ito.  Patuloy na bumubuhos ang Diyos ng Kanyang biyaya sa araw-araw at sa bawat sandali. Kumusta na ang ating pagdedebosyon sa Sacred Heart? First Friday po ngayon. Magpa-alab nawa ng ating puso  ang ating pagdedebosyon nang sa gayon, si Jesus lalo nating makilala,mahalin at sundin. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul, na nag-aanyayang ihanda natin ang puso at diwa sa pakikinig ng Mabuting Balita.

EBANGHELYO: Juan 7:1-2, 10, 25-30     

Naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil pinagtatangkaan siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang Piyesta ng mga Judio, na piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng mga kapatid sa piyesta, siya man ay umahon din pero palihim at hindi lantad. Kaya pinagsasabi ng ilan sa mga taga-Jerusalem: “Hindi ba ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan n’yo at lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Totoo kayang alam ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.” Kaya nang mangaral si Jesus sa Templo, sumigaw siya: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Sinugo ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko naman siya sapagkat galing ako sa kanya at siya ang nagsugo sa akin.” Pinagtatangkaan nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras.  

PAGNINILAY:

Narinig, natin sa Ebanghelyo ang katagang “oras” ni Jesus, ibig sabihin ang kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay – ito ang pinaka-makapangyarihang yugto ng Kanyang mapanligtas na gawain.  Alam ni Jesus ang naghihintay na pagsasakripisyong hinihingi sa kanya ng Ama. Gayunpaman, wala siyang ibang ninanais sa kanyang buong buhay, kundi ang magawa at masunod ang kalooban ng Ama—ang anumang bagay na magiging kalugod-lugod sa Diyos.  Kung kailan magaganap ang dakilang “oras” na iyon, tanging ang Diyos lamang ang makapagpapasya.  Mga kapatid, ang mga pagpapasya ng mga tao, pabor man o laban kay Jesus, gagamitin lang ng Diyos para sa Kanyang dakilang plano ng pagliligtas.  Kapanalig, kasama ba ang Diyos sa iyong pagpapasya? Sa ating mga panalangin at pagdedebosyon sa Daan ng Krus at pagrorosaryo, ipagdasal natin lalo na ang nalalapit na national and local elections. Dumulog tayo sa Diyos kasama ng Mahal na Birheng Maria, na maiayon natin sa Kanyang Kalooban ang higit na makabubuti sa sambayanang Pilipino. Maging bukas nawa tayo sa mahiwagang pagkilos ng Diyos sa ating buhay! 

PANALANGIN:

Salamat Panginoon sa biyaya ng pananampalataya.  Bigyan mo po ng dunong ang puso ko—nang makilala kita sa bawa’t kapwa na katulad kong Iyo ring hinango sa sala.   AMEN.