Ebanghelyo: Mt 28:8-15
Agad na iniwan ng mga babae ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga Punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.
PAGNINILAY
Napakinggan natin sa ebanghelyo, na mga babae ang unang dumalaw kay Hesus sa libingan kaya’t sila rin ang unang nakaalam sa kanyang muling pagkabuhay. Sila rin ang unang nakatagpo kay Hesus at nagkaroon ng pagkakataong makasamba sa kanya. Pero, alam ni Hesus na kahit masaya ang mga babae sa pagkakita sa kanya, hindi pa rin nawawala ang matinding takot ng mga ito para sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga pamilya. Patuloy pa rin ang mga Punong-pari at mga sundalo sa pagbaluktot sa katotohanan at pagpapalaganap ng mga kasinungalingan. Kaya, kapayapaan ang inihandog sa kanila ni Hesus. Kapayapaan ng puso at isip na hindi makukuha sa kanila ng sinuman. Kapayapaang nagbibigay sa kanila ng panloob na tapang, at tatag ng kalooban, sa pagharap sa anumang problema, sa pang-araw-araw na buhay. Nakakamit ito sa liwanag ng katotohanan, nang pagtupad sa kung ano ang tama, gaano man ito kahirap o kapanganib. At dahil kasama siya na muling nabuhay, walang dapat ikatakot ang sinumang sumusunod sa kanya.
PANALANGIN
Mahal na puso ni Hesus, samahan mo po kami sa aming mga pagkatakot. Loobin mong lagi naming magawa ang mga bagay na ayon sa iyong mahal na kalooban. Dito lang namin makakamit ang tunay na kapayapaang hinahangad mo para sa amin, Amen.