Daughters of Saint Paul

Abril 1, 2025 – Martes | Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 5: 1-16

Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon si Hesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Naroon ang isang taong talumpo’t walong taon ng may sakit. Nakita ni Hesus ang taong ito na nakahandusay at alam niya na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang maysakit: “Ginoo, wala akong taong  makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon ako, lumulusong na ang iba at nauuna sa akin.”  Sinabi sa kanya ni Hesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “ Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.’” Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyong: Magbuhat ka nito at maglakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Hesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Hesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Hesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Hesus sapagkat Araw ng Pahinga niya ito ginawa.

Pagninilay:

Pumunta si Jesus sa Jerusalem at nakita niya ang isang lalaking matagal nang may sakit. Lumapit si Jesus sa kanya at tinanong siya, “Gusto mo bang gumaling?” Obvious di ba? Kaya nga siya nagpapadala sa Bethzata para lumusong sa tubig matapos na ito’y gumalaw; dahil ang paniniwala niya’y gagaling siya sa anumang karamdaman kapag nakalusong siya. Kaya lang, mag-isa lang siya at laging may nauuna sa kanya. Tatlumpu’t walong taon na siyang umaasa. Tapos, tatanungin kung gusto niyang gumaling? Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Sumunod ang lalaki at siya’y gumaling.

Kapanalig, ito rin ang sinasabi ni Jesus sa bawat isa sa atin. Maraming beses na tayong nadapa, na-paralyze ng takot, ng ating kahinaan at mga kasalanan. Lumalapit sa atin ang Panginoon. Tinatanong niya tayo kung gusto ba nating gumaling. Kailangan lang nating magdesisyon. Gusto ba natin talagang gumaling at magbagong-buhay? Tumayo po tayo sa ating pagkakalugmok at lumakad palapit sa Kanya na puno ng pag-asa. Buong kababaang-loob nating aminin ang ating mga kasalanan at mangumpisal. Mabait po ang Diyos, at kailanman, hindi niya tayo tatalikuran. Sa halip, yayakapin niya nang buong pagmamahal ang sinumang lumapit sa kanya.