Daughters of Saint Paul

Abril 10, 2017 LUNES SANTO / San Miguel de los Santos

 

Is 42:1-7 – Slm 27 – Jn 12:1-11

Jn 12:1-11

Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay.  Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya.  Naglilingkod si Marta at si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Jesus.  Kinuha ni Maria ang isang libra ng mamahaling pabangong mula sa tunay na nardo at pinahiran niya ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa nito.  Napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay.

            Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano ito?  Maipagbibili sana ang pabangong ito sa halagang tatlundaang denaryo para maibigay sa mga dukha.”  Sinabi niya ito, hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; hawak niya ang pananalapi at nangungupit doon.

            Kaya sinabi ni Jesus:  “Bayaan mo na siya; inilaan na niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin.  Kasama ninyong lagi ang mga dukha, ngunit hindi ninyo ako laging kasama.”

            Marami sa mga Judio  ang nakaalam na naroon siya.  At dumating sila hindi dahil lamang kay Jesus kundi upang  makita nila si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay.  Pinag-usapan naman ng mga Punong-pari ang pagpatay pati na kay lazaro, sapagkat marami sa Judio ang lumilisan dahil sa kanya at naniniwala kay Jesus.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, inilarawan ni Juan, si Judas bilang isang magnanakaw.  Siya ang may hawak ng salapi o ingat-yaman ng grupo at pinagnanakawan niya ito.  Hinayaan niya ang kanyang sarili na gamitin ni satanas.  Sa bersyon naman ni Mateo, kasakiman ang nag-udyok kay Judas Iskariote para ipagkanulo si Jesus sa mga punong pari sa halagang tatlumpung pilak.  Noong tawagin ni Jesus si Judas na maging kanyang alagad, marahil hindi pa siya ganito.  Nakita ng Panginoon ang kanyang kakayahan at naniwala siya sa kanyang kabutihan.  Nakita ng Panginoon na maaasahang alagad si Judas. Pero dahil napadala siya sa tukso at maling desisyon, sinayang niya ang tiwala sa kanya ng Panginoon.  Nakapagtataka ang ginawang pagkanulo ni Judas sa Panginoong Jesus, dahil kung tunay siyang alagad na nakikinig at nagsasapuso ng mga turo ng Panginoon, hindi niya ito magagawa.  Mga kapatid, kung paanong nagtiwala ang Panginoong Jesus kay Judas sa kabila ng kanyang kahinaan, ganun din siya nagtiwala at patuloy na nagtitiwala sa atin. Naniniwala Siya na may kakayahan tayong magbago dahil nilikha Niya tayong mabuti at puspos ng pagpapala.  Nasa sa atin ang desisyon kung tutugon ba tayo sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin o kung patuloy natin Siyang ipagkakanulo dahil sa kasalanan.