Juan 3:7b-15
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka dahil sinabi ko na kailangan n’yong isilang mula sa itaas. Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.” Sumagot si Nicodemo sa kanya: “Paano pupuwede ang mga ito?” Sinabi ni Jesus sa kanya: “Guro ng Israel ka pa naman, at hindi mo alam? “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: alam namin ang aming sinasabi at pinatototohanan namin ang aming nakita, at hindi pa n’yo tinatanggap ang aming patotoo. Hindi kayo naniniwala kung mga bagay sa lupa ang sinasabi ko sa inyo, kaya paano kayo maniniwala kung mga bagay sa Langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit—ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya.”
PAGNINILAY:
Sinasabi sa naunang bahagi ng pagbasa mula kay San Juan na si Nicodemo, isang Pariseo at pinuno ng mga Hudyo. Naniniwala siya na Jesus, isang gurong mula sa Diyos, pero, wala siyang lakas ng loob para manindigan para dito. Isang gabi, dinalaw niya si Jesus at may mahalaga siyang naging tanong: “Pwede bang isilang ang tao kung matanda na siya? Makakapasok pa ba siya uli sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang?” At tiyak ang naging sagot ni Jesus, “…kailangan ninyong isilang mula sa itaas. ”na may ibig sabihing makakamit lang ng tao ang bago at maka-Diyos na buhay sa pagtanggap sa sakramento ng Binyag at sa basbas ng Espiritu Santo. Gayundin, kinailangan niyang magkatawang-tao, mamatay, muling mabuhay at umakyat sa langit “upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya.” Sa gayon, ano ang maaari nating magawa sa kasalukuyan para mapalago ang buhay na Espiritwal? Itatak natin sa puso at isip ang mga ipinangako natin sa Binyag. Huwag din nating kalimutan na laging may tukso o bitag ang demonyo para tayo magkasala. Sa gayon, kailangang may disiplina tayo sa pagtupad sa ating mga espiritwal na gawain, o regular nating isagawa ng mga mabubuting bagay na bahagi na ng ating araw-araw na buhay gaya ng pagdarasal, pagtanggap sa Eukaristiya, pagrorosaryo at iba pang pagkakawanggawa sa mga nangangailangan. Mahal na puso ni Jesus, dalisayin po ninyo ang mga puso at isip upang maging laging bukas sa pagtanggap sa iyong mga aral. Amen.