EBANGHELYO: Mk 16:9-15
Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis siya at ibinalita ito sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, nagpakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pero hindi rin sila naniwala sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, nagpakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Saturnina Caccam ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Naniniwala ka ba na si Hesus ay totoong muling nabuhay? Hanggang kailan at hanggang saan ka Niya mapapaniwala? Paano kung ang lahat ay haka-haka lamang? Mamahalin mo pa ba Siya? Susunod ka pa ba sa kanya? Mga kapatid, lubos na nalalaman ng Panginoon ang iyong kakayanang maniwala at alam din Niya kung hanggang saan ka lang maniniwala. Pero kagaya ng mga huling salita sa ebanghelyo, sinabi pa rin Niya sa kanilang mga hindi naniwala: “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng kinapal.// Sa kabila ng iyong kakulangan ng paniniwala, ipagkakatiwala pa rin ng Panginoon ang pagpapangalat ng Ebanghelyo. Hindi dahil magaling ka o may likas kang talento, kundi alam Niya ang kakayanan ng iyong puso na magmahal. Alam din Niyang sa kabila ng iyong kahinaan, lubos kang maniniwala sa kanyang pagmamahal. Dahil dito’y hindi ka Niya bibitawan….hindi ka rin Niya iiwan. Hamon ng salita ng Diyos sa araw na ito, huwag manghinawa sa kakayanang magtiwala at maniwala. Hangga’t may alaala ng pagmamahal ng Diyos, hangga’t patuloy na nagnanais na mahalin siya sa kabila ng kawalan ng pag asa, hindi natitigil ang paglaganap ng kabutihan ng kanyang salita at dahil dito’y hindi rin humihinto ang walang hanggang paggabay at pagbubuhos ng grasya sa iyo at sa iyong mahal sa buhay.// Maraming Salamat Panginoon sa walang sawang paggabay. Higit sa lahat, maraming salamat sa pagmamahal na hindi nagapi ng kamatayan. Bagkus, umabot sa buhay na walang hanggan.