Daughters of Saint Paul

Abril 10, 2025 – Huwebes | Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 8, 51-59

Sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Talagang talagang sinasabi ko sa inyo, kung may magsakatuparan ng aking salita hinding-hindi niya masisilayan ang kamatayan.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na sa may demonyo ka nga, namatay si Abraham pati na mga propeta at sinasabi mong kung may magsasakatuparan ng aking salita hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan. Mas dakila ka ba kaysa ninuno namin na si Abraham na namatay, maging ang mga propeta na namatay? At sino ka sa akala mo?” Sumagot si Hesus: “Kung ako ang nagmamapuri sa sarili, walang saysay ang papuri ko. Ang aking Ama ang pumupuri sa akin. Siya na itinuturing niyo na inyong Diyos. Hindi ninyo siya kilala ngunit kilala ko siya. Kung sabihin ko man na hindi ko siya kilala, magsisinungaling akong tulad niyo. Ngunit kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. Si Abraham na inyong ninuno ay nagalak na makikita niya ang araw ng pagdating ko. Nakita nga niya at natuwa.” Kaya winika ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Hesus. ”Talagang- talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man ipinanganak si Abraham ako na nga.” Kaya dumampot sila ng mga bato upang ipukol sa kanya. Nagtago naman si Hesus at umalis sa Templo.

Pagninilay:

Nagsidampot talaga sila ng bato upang batuhin si Jesus. Matatandaang may isang babaeng pinaratangang makasalanan ang dinala din kay Jesus upang husgahan, ngunit sinabihan sila ni Jesus, “ang sino mang walang kasalanan ang unang pumukol ng bato sa kanya.” Tatlong araw na lang, papasok na si Jesus sa Jerusalem, hindi lamang upang batuhin, kundi ipako sa krus!

Minsan may nakasabay kaming nagsimbang isang Nanay kasama ang kanyang maliit pang anak na babae. Matatas magsalita ang cute na bata at naririnig kong marami siyang tanong. “Nanay, bakit po siya ipinako? Kelan po siya aalisin dyan?” Halos hindi kumukurap na nakatitig ang bata sa nakapakong si Jesus. Mukha’y nag-aalala, awang-awa sa kalagayan ni Jesus.

Sa panahon natin ngayon, maaaring bihira na lamang ang mga insidente ng pambabato at wala tayong nababalitaang ipinapako sa krus. Opo, wala nang dumadampot ng bato sapagkat ibang klaseng bato na ang ipinupukol sa kapwa. Hindi po lingid sa atin ang paggamit ng kasinungalingan, paninirang-puri, pambabastos, nakakasakit at maaanghang na salita sa social media. Wala pang social media noong panahon ni Jesus, ngunit, fake news, kasinungalingan, abusadong pananalita ang nagdala kay Jesus sa krus at sa kanyang kamatayan.

Mga kapatid/ mga kapanalig, suriin po natin ang mga salitang namumutawi sa ating bibig, lalo na ang mga salitang binibitawan natin sa social media…ano kaya ang dating ng mga salitang ito sa kinauukulan? Alalahanin po natin, “Actions speak louder than words, but words hurt more than wounds.” Hindi na mababawi anumang salitang binitiwan natin. Sa paghahanda natin sa darating na Mahal na Araw, ipanalangin nating tulungan tayo ni Jesus na maging mahabagin tulad niya. Iwasan nawa nating gamitin ang social media upang mambato ng paninira kundi magpaabot ng tunay na malasakit, pagpapatawad, at pag-asang natanggap natin mula kay Jesus.