Daughters of Saint Paul

Abril 11, 2017 MARTES SANTO / San Estanislao

 

Is 49:1-6 – Slm 71 – Jn 13:21-33, 36-38

Jn 13:21-33, 36-38

Nabagabag sa kalooban si Jesus, at nagpatotoo:  “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.”  Nagtinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinangunan ito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy.

            Kaya paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya sa kanya:  “Panginoon, sino ba iyon?”  Sumagot si Jesus:  “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.”  At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus:  “Gawin mo agad ang gagawin mo.”

            Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung bakit sinabi niya iyon sa kanya. Dahil hawak ni Judas ang pananalapi, inakala ng ilan na sinabi sa kanya ni Jesus:  “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,”  o kaya’y  “Mag-abuloy ka sa mga dukha.” 

            Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon.

            Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus:  “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyang luluwalhatiin.

            Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio:  ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’ sinasabi ko rin sa inyo ngayon.

            Winika sa kanya ni Pedro:  “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.”  Sumagot si Jesus:  “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”

PAGNINILAY

Sa sinabi ng Panginoon na “isa sa inyo ang magkakanulo sa akin”, paanyaya ito na usisain ang ating budhi kung ilang beses din ba nating ipinagkanulo ang Panginoon sa ating buhay?  Ilang beses ba natin siyang itinatwa sa harap na ating mga kaibigan?  Ilang beses ba nating hindi pinakinggan ang dikta ng ating konsensiya?  Mga kapatid, bawat isa sa atin responsable sa mga desisyong ginagawa natin.  Bawat isa sa atin may bahid ng pagkatao ni Judas at ni Pedro.  Nagmatigas si Judas!  Hindi nakinig sa dikta ng kanyang konsensiya.   Isinara ang puso sa kabutihan ng Panginoon, kung kaya’t pumasok si satanas sa kanyang puso.  Samantalang si Pedro, hindi naman lubusang isinara ang konsensiya katulad ni Judas.  Napadala lamang siya sa kanyang kahinaan at takot na pahirapan katulad ng Panginoon.  Oo, ipinagkanulo niya ang Panginoon ng tatlong beses, pero lubos niya itong pinagsisihan – kung kaya’t pinatawad siya Panginoon.  Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong ipinagkanulo ko kayo at itinatwa sa aking buhay dahil nanganganib na mawalan ako ng trabaho, mawalan ng koneksyon o itakwil ng iba dahil sa aking pananampalataya. Turuan Mo po akong makinig sa dikta ng aking konsensiya. Amen.