Daughters of Saint Paul

Abril 11, 2018 Miyerkules Sa Ika-2 Linggo Ng Pasko Ng Pagkabuhay

Juan 3:16-21

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. “Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. “Ito ang hahatulan: dumating sa mundo ang liwanag pero higit pang minamahal ng tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.”

PAGNINILAY:

May katapat o kasalungat ang lahat ng bagay sa mundo – gabi at araw, bago at luma, matamis at maasim, malamig at mainit, masaya at malungkot, at marami pang iba. Sa pagbasa ngayong araw, ginamit ni Jesus ang liwanag at dilim.  Ito ang paliwanag niya: “Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa.”  Kailangang magpasiya at pumili ang lahat ng tao sa bawat sandali maging bata man o matanda: Kakain pa ba o matutulog na lang? Mag-aaral ba o magtetelebab o magpupuyat sa computer games? Magsisimba ba o magpapasyal sa Luneta? Dadalaw ba sa kaibigang maysakit o gigimik kasama ng ibang kabarkada? Isusugal ba ang katatanggap na sweldo o iaabot nang buo sa asawa?  Magpapatuloy pa ba sa bulag na pagmamahal o lalayo na lang at hahanap ng iba? Sa ganito at sa iba pang mga halimbawang gaya nito nasusubukan ang kabutihan, kagandahan at tatag ng kalooban ng isang tao.  Dahil sa matinding pagmamahal sa tao kaya ipinasiya ng Diyos na pababain sa lupa ang kaisa-isang anak. Hangad kasi niya ang pinakamabuti para sa atin -ang maligtas sa kasalanan at makasama niya sa langit sa buhay na walang hanggan.  Pero, hindi niya ipinipilit ang sarili.  Nasa bawat nilikha pa rin ang kalayaang pumili kung ano ang gusto niya para sa sarili.  Pero, gaya ng isang mapagpatawad at maunawaing Ama, matiyaga siyang naghihintay sa pagsisisi at pagbabalik-loob ng mga anak niyang nakalimot at nagkasala.  Manalangin tayo.   Mahal na Ama, loobin mo po na ang lahat ng aming ipapasiya at gagawin ay maayon sa iyong mahal na kalooban para sa amin, Amen.