Daughters of Saint Paul

ABRIL 11, 2020 – SABADO SANTO

EBANGHELYO:Mateo 28:1-10

Kinahapunan ng Araw ng Pahinga, sa paglabas ng unang bituin, sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sa libingan si Maria Magdalena at ang isa pang Maria para tingnan ang libingan.  Walang anu-ano’y lumindol nang malakas at bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, at nilapitan ang bato, pinagulong ito at naupo roon. Parang kidlat ang kanyang mukha at singputi ng niyebe ang kanyang damit. Nanginig naman sa takot ang mga bantay at naging parang mga patay. Sinabi ng Anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap n’yo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito, binuhay siya ayon sa kanyang sinabi. tingnan ninyo ang lugar na pinaglibingan sa kanya. Pumunta kayo agad ngayon at sabihin sa kanyang mga alagad na muli siyang nabuhay at mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang mensahe ko sa inyo.” Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya, “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Holy Saturday! Bakit nga ba Banal ang araw na ito? Sabi ng lola ko noon, huwag mag-ingay sa araw na ito dahil patay pa si Jesus. Totoo, sa araw na ito ginugunita natin ang pakikiisa at pagdalaw ni Jesus sa mga yumao dala ang mensahe ng kaligtasan. At mamaya sa Easter Vigil, ating ipagdiriwang ang dakilang araw ng pagliligtas, ang kanyang pagkabuhay namang muli. Ikikwento sa atin ng mga pagbasa mamaya ang kasaysayan ng ating kaligtasan mula sa paglikha Niya sa mga unang tao. Maririnig natin ang kwento tungkol sa katapatan at pagkamasunurin ni Abraham sa Diyos, ang pagliligtas ng Diyos sa kanyang bayan mula sa pagkaalipin sa Ehipto, at ang pagsusugo niya ng mga propeta upang maghatid sa kanila ng kanyang mensahe ng habag at pagmamahal. Kaya mahalagang maunawaan natin ang halaga ng pakikiisa natin sa kamatayan ni Jesus. Sabi ni San Pablo, kung mamatay tayo kasama ni Cristo, mabubuhay rin tayong kasama niya. Ito ang magandang balita ng Easter Sunday! Natalo ni Jesus ang kamatayan at kasalanan kaya kung mamatay tayong kaisa Niya, tiyak na mabubuhay rin tayong kasama Niya magpakailanman.