EBANGHELYO: Jn 20:19-31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan! Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.” Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan! Tomas, dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala!” “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Sebastian Marfilgadia III ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (Nakakapanghinayang ang pagkakataon kung may hindi tayo na subaybayang pelikula o concert ng mga iniidolo nating artista. Minsan, handa tayong abangan kung kailan natin mapapanood ang mga ito. “Willing to wait!” yan ang sinasabi nating kung gustong-gusto nating makuha o makita ang isang bagay. Kung nasasabi natin na, willing to wait tayo, ang ating Panginoong Hesukristo ay willing to return para sa atin.// Mga kapatid, ito ang nangyari sa ating ebanghelyo ngayon. Nagpakita ang ating Panginoong Hesukristo sa kanyang mga alagad at sinugo niya ang mga ito sa pamamagitan ng paghinga niya sa kanila. Pero, wala noon si Tomas kaya naman labis pa rin ang pagdududa niya sa pagpapakita ni Hesus sa mga alagad. At kung totoo nga at kumbinsido si Tomas na nagpakita si Hesus sa kanila, sadyang naghinayang siya sa pagkakataon na di makita si Hesus. Upang maalis ang pagdududa ni Tomas, muling nagpakita si Hesus sa mga alagad, alang-alang kay Tomas. Sa pagkakataon na yun tuluyan na ngang naniwala si Tomas sa muling pagkabuhay ni Hesus.// Minsan sa buhay natin, maraming mga bagay ang gumugulo sa ating isipan.) May mga pagkakataon, na kung wala tayong sagot sa mga problema o krisis na pinagdadaanan natin sa buhay, nababalot din tayo ng pagdududa. Ang ating tanong: “Nasaan ba ang Diyos sa mga panahong may pinagdaraanan ako? “ Ipinapakita sa atin ng ebanghelyo ngayon, na sa gitna ng ating mga pagdududa sa presensya ng Diyos, Siya pa rin ang pumupunta sa atin upang pawiin ang ating mga pagdududa. Sa mga panahong tayo ay lugmok na sa problema, nahihirapan at nagdududa sa buhay na pananatili ng Diyos, tingnan lang natin ang naging karanasan ni Tomas. Muli siyang binalikan ni Hesus upang pawiin ang kanyang pagdududa at binigyan ng kapayapaan. Mga kapatid, tunay ngang ang Diyos ay buhay at hindi nang-iiwan.
PANALANGIN
Panginoon, bigyan Mo po ako kaliwanagan at kapayapaan sa mga panahong nakararanas ako ng mga problema at kabalisahan sa buhay. Pawiin Mo po sa akin ang pagdududa na hindi kita kasama sa pagharap ng mga hamon sa buhay. Patatagin Mo po ang aking pananampalataya sa mga panahong ako ay napupuspos ng pag-aalinlangan. Amen.