Daughters of Saint Paul

ABRIL 11, 2022 – LUNES SANTO

Thumbs up ka bang kakaiba talaga ang hospitality ng mga Pilipino? Mapapansin din natin ang mapaggasta o “extravagant love” ni Maria ng Betania sa Ebanghelyo.  Mapagpalang araw ng Lunes Santo mga kapatid kay Kristo. Dakilain natin ang Diyos ng buong pagmamahal na nagpakasakit alang-alang sa pag-ibig sa bawat isa sa atin.  Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang   buksan natin ang puso’t isip sa inspirasyon ng Banal na Espiritu upang maunawaan ang Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Juan 12: 1-11

Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay.  Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya.  Naglilingkod si Marta at si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Jesus.  Kinuha ni Maria ang isang libra ng mamahaling pabangong mula sa tunay na nardo at pinahiran niya ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa nito.  Napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay. Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano ito?  Maipagbibili sana ang pabangong ito sa halagang tatlundaang denaryo para maibigay sa mga dukha.”  Sinabi niya ito, hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; hawak niya ang pananalapi at nangungupit doon. Kaya sinabi ni Jesus: “Bayaan mo na siya; inilaan na niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin.  Kasama ninyong lagi ang mga dukha, ngunit hindi ninyo ako laging kasama.” Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya.  At dumating sila hindi dahil lamang kay Jesus kundi upang makita nila si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay.  Pinag-usapan naman ng mga Punong-pari ang pagpatay pati na kay lazaro, sapagkat marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya at naniniwala kay Jesus.

Pagninilay:

Sino ba naman ang hindi magagalak sa pagbuhay ni Jesus kay Lazaro?  Bilang kapalit, buong loob na ibinuhos ni Maria sa paa ni Jesus ang mamahaling pabango. Pinunasan pa niya ng kanyang buhok para magbigay ng parangal-kaluwalhatian kay Jesus. Sa tagpong ito, dinadala tayo sa mahalimuyak na ugnayan ni Jesus at ng ating Simbahan. Si Maria, ang larawan ng ating Simbahan. Bilang Simbahan, una, isa tayong sambayanang binyagan na masayang nagdiriwang ng ating buhay-sakramental kaisa ni Jesus tulad sa Misa, at sa Sakramento ng Pakikipagkasundo.  Ikalawa, isa tayong malaking pamilya na nagpapasalamat sa walang sawang pagbibigay sa atin ng buhay.  Kinikilala natin ang mga bagong isinilang na sanggol ngayon. At ganundin sa mga kamag-anak natin na nalunasan mula sa malubhang sakit. Kasama na rin ang mga nailikas at naligtas sa digmaan ng Russia at ng Ukraine.  Ikatlo, isa tayong ispiritwal na katawan ni Kristo na nakikisa sa Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay para sa ganap na kaligtasan ng lahat. Bilang Simbahan, kinikilala ni Jesus ang mga napapagdaanan nating pagpapakasakit. Ang mga pagsubok natin sa krisis ng kalusugan, krisis sa ekonomiya, ang krisis sa ugnayang pamilya, at ganundin ang kabi-kabila nating pambansa at personal na krisis. Mahalimuyak ito para kay Jesus sa oras na ikinakapit natin ito sa Kanyang Krus. Nasisiyahan din Siya sa samyo ng pasasalamat natin sa oras na itinataas natin ang tinik ng pighati ng buhay. Bago pa man natin ito pinapaging-isa kay Jesus, binibiyayaan na Niya tayo ng pabango ng karunungan.  Isang kalugudlugod na karunungan para lalo nating maipalaganap ang halimuyak ng Kanyang kaligtasan sa ating salita at gawa.