Ebanghelyo: Juan 10:31-42
Dumampot ng mga bato ang mga Judio upang batuhin si Hesus. Sinabi sa kanila ni Hesus: “Maraming mabubuting gawa ang itinuro ko sa inyo mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit n’yo ako binabato?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat gayong ikaw ay tao, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Hesus: “Hindi ba nasusulat sa Batas ninyo: ‘Aking sinabi,” mga Diyos kayo” ‘? Kaya tinawag na mga diyos ang mga tumatanggap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, nang sinabi kong ako ang Anak ng Diyos—ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo –bakit n’yo sinasabing paglapastangan ito? Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala naman kayo sa mga gawa. Kaya alam na alam nga ninyo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin si Hesus ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya nanatili. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Hindi nga gumawa ng anumang tanda si Juan, pero nagkatotoo nga ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang naniwala sa kanya.
Pagninilay:
Hindi matanggap ng mga Hudyo ang katotohanang ang Mesias na ipinangako ng Diyos ay magmumula sa ordinaryong tao, tulad ng isang karpintero.
Bakit kaya di nila nakilala si Hesus na Siyang ipinahayag ng mga propeta, na Siyang hinihintay na Tagapagligtas ng bayang Israel? Nagpapaalala ito sa atin na ang anumang kaalaman natin ay mula sa Diyos na Siyang nagbibigay-liwanag sa katotohanan.
Binato nila si Hesus, dahil hindi nila matanggp ang ipinakita niyang kapangyarihan bilang Anak ng Diyos… Natakpan ang kanilang mga mata, pag-iisip at puso, dahil nakatutok sila sa kanilang sariling kaalaman tungkol sa Diyos. Siguro, maitatanong natin: bakit hindi sila makapaniwala sa kapangyarihan ng Diyos, samantalang alam nila ang Kasulatan?
Hanggang ngayon maraming mga tao ang hindi nakakakilala kay Hesus. Maraming pagkakataon Siyang nagpapamalas sa atin ng Kanyang kapangyarihan. Nakikita at tinatanggap ba natin ang mga ito bilang biyaya ng Diyos? Si Hesus mismo ang nagsabi: “Ang Ama ay sumasa akin at ako naman ay sumasa Ama.” Mga kapanalig, ang mga bagay na pinahahalagahan natin sa buhay: talino, kapangyarihan at kayamanan ay pansamantala lamang. Hindi ito sapat upang tanggihan ang katotohanang ipinahayag ni Hesus: “Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay.” Opo, si Hesus ang Katotohanan. Nawa’y magtiwala at manalig tayo sa Kanya. Siya ang Anak ng Diyos na patuloy na nagpapakilala at sumasaatin, tuwina. Tanggapin natin Siya!