Daughters of Saint Paul

Abril 12, 2017 MIYERKULES SANTO / San Zeneo de Varona

 

Is 50:4-9a – Slm 69 – Mt 26:14-25

Mt 26:14-25

Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi:  “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?”  Inalok nila ito ng  tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.

            Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya:  “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?”  Sumagot si Jesus:  “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya:  'Sinabi ng Guro:  malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.' ”

            At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. 

            Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa.  Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus:  “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.”  Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa:  “Ako ba, Panginoon?”

            Sumagot siya:  “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin.  Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.”  Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya:  “Ako ba, Guro?”  Sumagot si Jesus:  “Ikaw na ang nagsabi.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang pagkanulo ni Judas Iscariote kay Jesus isang napakalaking kasalanan lalo’t higit kung iisiping ipinagpalit lamang Siya sa talumpung pirasong pilak.  Nang dahil lamang sa pagkaakit niya sa kayamanan, pati ang buong buhay ni Jesus naisanla na sa demonyo.  Sa bigat ng kanyang pagkakasala, nasabi tuloy ni Jesus na mabuti pang hindi na lang siya isinilang pa.  Mga kapatid, sa panahon natin ngayon marami pa ring kasalanang katulad ng ginawa ni Judas Iscariote.  Gaya ng pagtalikod sa pananampalataya nang marami nating mambabatas na sumang-ayon na ipasa ang death penalty.  Marami sa kanila, mga katolikong Kristiyano na nagsimba muna, nagpalagay ng krus na abo, bago bomoto para ipasa ang death penalty. Hindi lang mga taong bayan na nagluklok sa kanila sa puwesto ang kanilang ipinagkanulo; pati na ang dangal at kahalagahan ng buhay na iniligtas na ng Diyos sa kamatayan, sa pag-aalay ng buhay ng Kanyang Anak sa krus.  Tunay na nakapanghihina at nakakadismaya, ang karuwagan nang marami nating mambabatas na hindi nanindigang ipaglaban ang buhay.  Panginoon, patawarin mo po kami sa maraming pagkakataong patuloy pa rin namin kayong ipinagkakanulo sa aming buhay.  Amen.