JUAN 3:31-36
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa, at makalupa rin ang usap niya. Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa Langit. Pinatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patotoo. Pinagtitibay naman ng tumanggap sa patotoo niya na totoo mismo ang Diyos. Binibigkas nga ng sinugo ng Diyos ang mga Salita ng Diyos, sapagkat walang sukat na binibigyan siya ng Diyos at ng Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala ang tanang mga bagay sa kanya. May buhay magpakailanman ang naniniwala sa Anak. Ang hindi naman sumusunod sa Anak ay hindi makakakita sa buhay, kundi ang galit ng Diyos ang sasakanya.”
PAGNINILAY:
Ang pagbasa ngayong umaga, pagpapatuloy sa mga pahayag ni San Juan kaugnay sa pag-uusap nina Jesus at Nicodemo na isang Pariseo at pinuno ng mga Hudyo noong isang gabing dinalaw niya si Jesus. Talagang seryoso ang pag-uusap nila at gustong-gusto ni Nicodemo na makilala siya. Kaya nga, tiyak na pati ang mga alagad na nakapaligid at nakikinig sa kanilang pag-uusap, maraming natutuhan tungkol sa pagkatao ni Jesus. Kasama na rito ang mga sumusunod na bagay: Una, na si Jesus, mula sa langit. Ikalawa, na isinugo siya ng Ama at puspos siya ng Espiritu Santo. Ikatlo, na layunin niyang mailigtas sa kasalanan ang tao at maisama sa kaluwalhatian ng Ama sa langit. At ang ikaapat at panghuli, na dahil sa maling pasiya at pamimili ng tao kaya siya mapapahamak at hindi dahil sa parusa ng Diyos. Hindi mahirap para sa mga Pilipino ang matakot sa apoy ng impiyerno. May ideya tayo sa nakababanas na init tuwing tag-araw, sa alingasaw ng imburnal, sa baho ng nabubulok na hayop gaya ng daga sa tambakan ng basura, at sa maiigting na negatibong damdamin gaya ng takot, galit, selos, inggit na sanhi para makasakit o makapatay ng kapwa. Pamilyar din tayo sa ekspresyong “Parang impiyerno ang bahay/buhay na ito!” Hindi rin malayo sa ating karanasan ang idinudulot na ginhawa at saya ng pagmamahal, kapayapaan, awa, habag, pagpapatawad at pag-asa – mga positibong damdamin at kalagayan na siyang hinahangad ng Diyos para sa atin at sa lahat ng mga taong ibinabahagi niya sa ating buhay! Manalangin tayo. O Mahal na Panginoong Jesus, nanaog ka sa lupa at nagdusa sa krus para sa aming kaligtasan at pagkakamit ng buhay na walang hanggan. Sa tulong ng Espiritu Santo, pagkalooban mo po kami ng talino at lakas para magamit nang wasto ang aming kalayaan, Amen.