Daughters of Saint Paul

ABRIL 12, 2020 – LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY (ABK)

EBANGHELYO:Juan 20:1-9

Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kay sa Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, nakita niya at naniwala siya. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan niyang magbangon mula sa mga patay.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Si Kristo ay muling nabuhay. Siya’y ating kaliwanagan!!! Aleluya! Aleluya! Ito ang mga salitang namumutawi at umaalingawngaw sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Hindi natapos sa pagdurusa at pagkamatay ang pagmamahal ni Hesus. Mga paghahanda lamang ito at kasama sa proseso ng kaligtasan.  Hindi niya tayo iniwan. Hindi rin siya katulad ng mga bulaang propeta na sa bandang huli’y nang-iiwan.  Mga kapatid, ang pagliligtas na ginawa at patuloy na ginagawa ng Panginoong Jesus ay isang paalala na hindi tayo nag-iisa. May kasama tayo. May kakampi tayo. Ang Diyos! Opo, marami tayong pinagdadaanan. May mga saya at lungkot; pero sa bandang huli ay ang bukang liwayway. Naniniwala ako, na sa gitna ng mga pinagdadaanan nating hirap—Covid, problemang pinansyal at pamilya o anuman—lahat ay may hangganan. May bukas pa!  May liwanag! Kaya patuloy na kumapit sa Diyos na hindi nang-iiwan! Ito ang Mabuting Balita: Si Kristo ay muling nabuhay. Siya’y ating kaliwanagan!!! Aleluya! Aleluya!