Daughters of Saint Paul

ABRIL 12, 2022 – MARTES SANTO

Naranasan mo na bang ipagkanulo ng taong malapit sa iyo? Malalim ang sugat na naidudulot ng pagkanulo ng isang kaibigan kaysa sa ibang tao na hindi naman malapit sa atin. Mapagpalang araw ng Martes Santo mga kapatid kay Kristo! Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul Sama-sama nating salubungin ang handog sa atin na Mabuting Balita ngayon. 

Ebanghelyo: Juan 13:  21-33, 36-38

Nabagabag sa kalooban si Jesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinanguan ito ni Simon Pedro upang usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo.” Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung bakit sinabi niya iyon sa kanya. Dahil hawak ni Judas ang pananalapi, inakala ng ilan na sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y “Mag-abuloy ka sa mga dukha.” Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyang luluwalhatiin. Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’ sinasabi ko rin sa inyo ngayon. Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin sa pupuntahan ko; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”

Pagninilay:

Kung paanong buong tapang iniwan ng mga Apostol ni Hesus ang kanilang sinaunang buhay, ngayong araw ay isang hudyat ng kaduwagan! Iiwan, ipagkakanulo, at itatatwa nila si Hesus. Walang naitala kung bakit nila ginawa ang mga ito. Isang kaibigang tapat, hinamak ang lahat, humihingi ng mga sandalling samahan siya magbata ng hirap—hindi naman nagkulang—iiwan, tatraydorin, itatatwa.  Takot, lahat sila ay nagpadala sa kanya-kanyang takot. Duda, lahat sila may duda sa puso. Sa kabila ng lahat si Juan lamang ang nanatili—bagamat hindi ligtas marahil sa takot at duda. Mga kapanalig, ngayong mga mahal na araw, ang panawagan ni Hesus ay samahan ninyo ako! Sa takot, tayo’y mas kakapit sa Kanya. Sa duda, tayo’y mas manalig sa kanya. Nakakalungkot isipin, siguro may dahilan ang mga apostol, hindi pa nila lubos Nakita ang kaganapan—ang muling pagkabuhay. Ngunit tayo? Alam na nating magtatagumpay si Hesus, pero paulit-ulit pa din natin siyang iniiwan, tinatraydor, itatatwa’t sinasaktan. Mga kapanalig, Huwag natin iwanan si Hesus. Samahan natin siyang makatawid sa kanyang Muling Pagkabuhay. Amen.