Daughters of Saint Paul

Abril 12, 2025 – Sabado | Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 11:45-576

Marami sa mga Judiong sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Hesus ang naniwala sa kanya. Pumunta naman ang ilan sa kanila sa mga Pariseo at sinabi sa kanila ang mga ginawa niya. Kaya tinipon ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian na Sanhedrin, at sinabi: “Ano ba’ng gagawin natin? Marami siyang mga ginagawang tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at aalisin  maging ang ating banal na lugar at ang ating bansa.” At isa sa kanila, si Caifas, na Punong-pari sa taong iyon, ang nagwika: “Wala kayong kaalam-alam. Hindi n’yo naiintindihan na makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan, upang hindi mapahamak ang buong bansa.” Hindi sa ganang sarili niya sinabi ang mga salitang ito, kundi sa pagiging Punong-pari niya sa taong iyon, sinabi niya ang propesiyang ito: dapat ngang mamatay si Hesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin pati ang mga nakakalat na anak ng Diyos upang maging isa. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na tahasang naglakad si Hesus sa lugar ng mga Judio kundi umalis siya mula roon patungo sa lupaing malapit sa ilang, sa isang lunsod na Efraim ang tawag, at doon siya nanatili kasama ng mga alagad.  Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon ang marami pa-Jerusalem mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng sarili. Kaya hinahanap nila si Hesus at nang nasa Templo sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa palagay ninyo? Paririto kaya siya sa piyesta?”

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Tess Espina ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.

Maraming Hudyo na nakasaksi sa mga himala ni Hesus ang naniwala sa Kanya. Nagsabi ang ilan sa mga Pariseo tungkol dito at naalarma sila dahil dumami na ang tagasunod niya. Kaya’t nagpulong ang mga punong pari at ang mga Pariseo at nagbalak silang patayin si Jesus. Nagsabi  si Caifas, ang punong saserdote na mas mainam na mamatay ang isang tao para sa bayan kaysa ang buong bansa ang mapuksa. Hindi niya naunawaan ang kanyang sinabi ngunit hinulaan niya na si Hesus ay dapat mamatay para sa bansa. Namatay nga si Jesus para iligtas hindi lang ang mga Hudyo kundi para magbigay ng bagong buhay sa sangkatauhan.  

Sa panahon ni Jesus ang mga punong saserdote ang ginawang tagapamahala ng Jerusalem gayundin ang tagapangasiwa ng templo.  Mayroong ilang mga punong saserdote ngunit si Caifas ang pinakamagaling na tagapangasiwa. Dahil isang pinunong sibil at pinuno rin siya ng relihiyon, malawak ang kapangyarihan ni Caifas. Nagbigay rin sa kanya ang kanyang posisyon ng maraming kayamanan na sumira sa kanyang kaluluwa. Kapag may kapangyarihan ang isang tao, gagawin niya ang lahat para mapanatili ito.

Nang mangaral si Jesus tungkol sa pagbabago, nabalisa si Caiphas. Anumang pagbabago ay isang banta sa mga gustong manatili sa kapangyarihan. Natakot si Caifas na mawala ang kanyang mga pribilehiyo.  Kaya’t higit na handa siyang patayin ang karpintero mula sa Nazareth upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.

Nalalapit na ang eleksyon. Hinahamon tayong iboto ang mga lider na maka-Dios, maka-tao at maka-bayan. Piliin natin ang mga pinuno na hindi ikokom-promiso ang kanilang mga prinsipyo upang makakuha ng impluwensya. Mga lider na kayang magsakripisyo ng kapangyarihan at kayamanan upang makaisa ng mga inaapi. Mga pinuno na may puso ng isang pastol na tulad ni Hesus.